DepEd target magbigay ng 'non-financial' benefits sa mga guro
MANILA, Philippines — Pag-aaralan ng Department of Education ang posibleng pamimigay nila ng “non-financial benefits” para sa mga guro, ayon sa tagapagsalita nito na si Michael Poa ngayong Miyerkules.
Sa isang panayam sa ANC, iwinasto ng opisyal ang kanyang naunang pahayag kung saan sinabi niyang titingnan ng kagawaran ang posibleng pamimigay nila ng allowance para sa mga non-basic wage benefits sa gitna ng panawagan ng kaguruan para sa pagtaas ng suweldo.
“I have to apologize and correct myself with that. Allowances are always a possibility in non-wage benefits,” wika ni Poa.
"But in terms of the budget, [t]his is still an ongoing study so I don't want to preempt the results. [T]he focus now is looking at non-financial benefits,” dagdag niya.
Ani Poa, isa sa mga pinakaiminumungkahi na benepisyo ng mga kaguruan ay ang health insurance.
Dagdag pa niya, tinitingan din ng ahensya ang mga training para sa promotion bilang isa sa mga posibleng non-financial benefits para sa mga guro. Sambit niya, malaki kasi ang iginagastos ng mga guro para sa mga training.
Giit ni Poa, may “misconception” din umano ang publiko patungkol sa pagkakaroon ng mababang suweldo ng mga guro. Aniya, simula kasi 2019 ay tumaas na ang suweldo ng mga guro.
Kasalukuyang P23,000 ang entry level salary ng mga guro na siyang inaasahang tumaas sa P27,000 sa susunod na taon. — Philstar.com intern Vivienne Audrey Angeles
- Latest