LPA lumakas, ganap nang naging bagyong 'Ester' sa silangan ng Luzon
MANILA, Philippines (Updated 3:22 p.m.) — Ganap nang naging Tropical Depression Ester ang isang low pressure area sa gawing silangan ng Luzon, ito ilang araw lang matapos tamaan ng magnitude 7.0 na lindol ang Cordillera at Rehiyon ng Ilocos.
Bandang 2 p.m., Biyernes, nang tuluyan itong maging bagyo sa loob ng Philippine area of responsibility sa silangan ng Extreme Northern Luzon.
"At 2:00 PM today, the Low Pressure Area east of Extreme Northern Luzon developed into Tropical Depression #EsterPH," ayon sa weather advisory ng state meteorologists ngayong umaga.
"Tropical Cyclone Bulletins will be issued starting at 5:00 PM today."
Una nang sinabi ng PAGSA na ang pinagsamang epekto ng noo'y LPA at Southwest Monsoon (Habagat) ay magdadala ng kalat-kalat hanggang katamtaman at minsanang pag-ulan at thunderstorms sa:
- CALABARZON
- MIMAROPA
- Metro Manila
- Bicol Region
- Samar Provinces
- Zambales
- Bataan
- Antique
Dahil dito, posibleng makaranas ng kalat-kalat na pagbaha at ilang pagguho ng lupa dulot ng ulan, lalo na sa mga lugar na "highly" o "very highly suceptible" sa mga panganib na ito batay sa hazard maps at sa ilang lugar na may significant antecedent rainfall.
Patuloy namang maglalabas ang PAGASA Regional Services Divisions ng thunderstorm at rainfall advisories batay sa pangangailangan.
"The public and disaster risk reduction and management offices concerned are advised to take all necessary measures to protect life and property," patuloy pa ng PAGASA kanina.
Miyerkules lang nang gumuho rin ang lupa, mawasak ang ilang kabahayan, imprastruktura at magbitak-bitak ang daan sa probinsya ng Abra at ilang lugar sa Ilocos, parehong nasa hilagang bahagi ng Pilipinas, dulot ng nagdaang lindol. — James Relativo
- Latest
- Trending