SSS tinabla pagsuspinde sa taas kontribusyon
MANILA, Philippines — Tuloy ang implementasyon ng taas kontribusyon ng mga miyembro ng Social Security System (SSS) ngayong Enero.
Ito ay sa kabila ng panawagan ng ilang mambabatas na suspendihin ang dagdag singil sa kontribusyon ng mga SSS members ngayong taon.
Sa press briefing sa Malakanyang sinabi ni SSS President at Chief Executive Officer (CEO) Robert Joseph M. de Claro, kailangan na malaman ng publiko na kapag ipinagpaliban ang paniningil ng dagdag kontribusyon ay mahihirapan din ang mga miyembro na makuha ang benepisyong dapat nilang matanggap.
Nilinaw naman ni De Claro na naiintindihan nila ang sintemyento ng ibang grupo, subalit bukod sa maapektuhan ang mga miyembro ng SSS ay sinusunod lang nila ang batas na nakapaloob dito na RA 11199 na sinimulan pa noong 2019.
Malaki rin aniya ang magiging pakinabang ng mga miyembro kapag nagretiro dahil magiging tubong lugaw ito mula P30 kada araw o katumbas ng P190 kada buwan na dagdag sa kanilang kontribusyon.
Siniguro naman ni De Claro na ito na ang huling taas kontribusyon sa SSS dahil wala nang ganitong hakbang sa hinaharap.
Ayon kay De Claro, isang porsyento ang itataas sa kontribusyon kaya mula sa kasalukuyang 14%, magiging 15% na ang kontribusyon sa SSS.
Tinatayang nasa P51.5 bilyon ang dagdag koleks yon sa SSS sa 2025 kung saan 35% o P18.3 bilyon ang direktang mapupunta sa Mandatory Provident Fund (MPF) accounts ng SSS members.
- Latest