Cyber attack sa tanggapan ni Pangulong Marcos, napigilan ng AFP
MANILA, Philippines — Nagawang mapigilan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pamamagitan ng epektibong pagtukoy ang mga cyber attacks na tumarget sa mga ahensiya ng gobyerno sa bansa sa gitna na rin ng sinasabing pagtatangka ng mga Chinese hackers na makakuha ng sensitibong data sa tanggapan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Cyberattacks are a daily occurrence. We have intrusion detection systems in place and intrusion prevention systems that are in place,” pahayag ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla.
Base sa report ng Bloomberg News na nakabase sa Estados Unidos, nagawang ma-infiltrate ng mga hackers na ini-isponsor ng China ang Office of the President (OP) ang mga sistema sa computer na naglalaman ng mga sensitibong data kabilang ang mga dokumento sa West Philippine Sea (WPS) kaugnay ng agawan sa teritoryo ng Pilipinas, China at iba pang mga bansa sa Asya.
Base pa sa report ng Bloomberg, tatlong insidente ng infiltration ang nangyari noong unang bahagi ng 2023 hanggang Hunyo 2024. Ang mga cybersecurity experts ay naharang naman ang nasabing pag-atake noong 2023 at nitong Agosto 2024.
Gayunman, tumanggi naman ang AFP na aminin kung totoong nangyari sa OP ang nasabing cyber attacks.
Inihayag ni Padilla na may sapat na kapabilidad ang AFP para magresponde sa anumang mga banta ng cyber attacks upang hindi ang mga ito magtagumpay.
“But what is important is that we are able to detect and we are able to deter these attacks,” sabi pa ni Padilla.
- Latest