Inflation rate bumulwak sa 5.4%, pinakamataas simula Nobyembre 2018
MANILA, Philippines — Lalong bumilis ang pagtaas ng presyo ng bilihin sa Pilipinas nitong Mayo 2022 ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), dahilan para maitala ang pinakamataas na inflation rate sa loob ng tatlo't kalahating taon.
"Ang headline inflation o ang pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa bansa ay bumilis sa antas na 5.4 percent nitong Mayo 2022," ayon sa pahayag ng PSA, Martes.
"Ang dahilan ng mas mataas na antas ng inflation nitong Mayo 2022 ay ang mas mabilis na pagtaas ng presyo ng Food and Non-Alcoholic Beverages. Ito ay may 4.9 percent inflation at 70.1 percent share sa pagtaas ng pangkalahatang inflation sa bansa."
Ang headline inflation o ang pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa bansa ay bumilis sa antas na 5.4 percent nitong Mayo 2022. #PHCPI #Inflation @mapa_dennis
— Philippine Statistics Authority (@PSAgovph) June 7, 2022
Ngayon ang pinakamataas na inflation rate simula nang maitala ang 6% noong Nobyembre 2018 para sa buong bansa.
Iniulat ito ng PSA ngayong sumirit patungong 12.2% ang hunger rate sa first quarter ng 2022, ayon sa Social Weather Stations nitong Lunes.
Sektor ng transportasyon ang ikalawang commodity group na nagpakita ng mas mataas na inflation sa 14.6%. Ito'y dahil sa mabilis na pagsirit ng presyo ng gasolina na may 47.2% inflation, atbp.
"Ito ay dahil sa mas mabilis na pagtaas ng presyo ng mga Gasoline, na may 47.2 percent inflation; Passenger transport by road, tulad ng pamasahe sa tricycle, na may 1.1 percent inflation; at Diesel, na may 86.2 percent inflation," dagdag pa ng PSA.
Sobra-sobra ang naitalang inflation rate para sa buwan ng Mayo kumpara sa 2-4% na target ng gobyerno, bagay na nangyayari matapos ng serye ng pagtataas ng presyo ng langis na naapektuhan ng pananakop ng Rusya sa Ukraine.
Nakatakdang magkaroon ng "big time" oil price hike ngayong araw, bagay na nangyari matapos ang ipinataw na partial ban ng European Union sa Russian oil imports.
Una nang ipinangako ni president-elect Ferdinand "Bongbong" Marcos ang pagpapababa sa presyo ng bigas patungong P20/kilo, bagay na nakikita ng Department of Agrarian Reform (DAR) na posible sa unang bahagi ng 2023 kung susundin ang mga mungkahi nila para sa isang "mega farm project."
Sa kabila nito, sinabi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas na hindi mangyayari ang pagpapamura ng presyo ng bigas sa susunod na administrasyon habang inoobliga ng DAR ang mga land reform beneficiaries na magbayad ng amortization, kulang ang subsidyo sa produksyon at mahal ang presyo ng farm inputs.
'Obvious na mangyayari'
Hindi na ikinagulat ng grupong Anakpawis ang 5.4% inflation rate dahil sa walang tigil na oil price hikes habang nagpapatuloy ang Oil Deregulation Law. Apektadoraw dito ang ang lahat lalo na ang presyo ng pagkain.
"Hindi naman ito pinapansin ng gubyerno kahit na malaki ang epekto nito sa mga maralitang pamilya sa bansa. Napakalaking 80% ng kabuuang bilang ng pamilya sa bansa, ang nabubuhay ng mas mababa sa family living wage na P1,072 kada araw," wika ni Anakpawis party-list national president Ariel Casilao kanina.
"Patunay lang na walang solusyon ang mga neoliberal policies na liberalization, deregulation at privatization sa pagresolba sa economic crisis sa bansa. Bagkus, ito pa nga ang ugat ng krisis at sample na ang Oil Deregulation Law."
Ang P1,072 kada araw na tinutukoy ni Casilao ay ang family living wage na inestima at isinapubliko ng economic think tank na IBON Foundation noon pang Marso 2022. Kinakatawan nito ang sahod na kakailanganin araw-araw para sa mga pamilyang may limang miyembro "para mabuhay nang disente."
Panawagan tuloy nila ngayon, agad na isuspindi ang excise tax at value added tax sa produktong petrolyo, i-repeal ang Oil Deregulation Law at suportahan ang lokal na produksyon para makamtan ang self-sufficiency at stabilization ng presyo lalo na sa pagkain.
- Latest