Extension ng botohan hiling sa pagpalya ng VCMs, brownouts; Comelec nagmatigas
MANILA, Philippines — Nanawagan ang ilang grupong palawigin lagpas sa 7 p.m. ang oras ng eleksyon ngayong ika-9 ng Mayo dahil sa pagpalya nang maraming vote counting machines (VCMs) at pagkawala ng kuryente — kaso, tinabla ito ng Commission on Elections (Comelec).
Aabot sa mahigit 1,900 VCMs ang nagpakita ng mga "nakagawiang isyu" gaya ng paper jams, pag-reject ng mga balota, problema sa scanners atbp. maliban pa sa brownout na nangyari sa Bukidnon at Valenzuela habang botohan.
"Kabi-kabilang report ang natatanggap natin patungkol sa mga VCM at SD card na hindi umaandar at kailangan palitan," wika ni vice presidential candidate Sen. Francis "Kiko" Pangilinan sa isang pahayag, Lunes.
"Nananawagan ako na i-extend ng COMELEC ng 2 oras ang pagboto sa mga lugar na apektado ng mga aberyang ito."
Wika niya, hindi naman kasalanan ng mga botante ang naturang delay. Marami pa naman sa ngayon ang bumubuno ng dalawa, tatlo, o minsan lagpas apat na oras pataas pa sa pila.
Humahaba ngayon ang pila sa maraming presinto dahil sa mga pagpalya ng makina ng automated elections, bagay na kinekwestyon ngayon ng mga botante't poll watchers.
Kapareho naman ang panawagan ng grupong Kontra Daya at Kabataan party-list, lalo na't makatutulong daw ang pagpapahaba ng voting ours para maiwasan ang disenfranchisement ng mga botante.
QUICK STATEMENT: Kontra Daya calls on the COMELEC to consider extending the voting hours beyond 7:00 p.m. The breakdown of VCMs and the long lines, among other issues, have affected the turnaround time in voting. Extending voting hours can help prevent disenfranchisement.
— Kontra Daya (@kontradaya) May 9, 2022
Di makaboto dahil sa sirang vote counting machine? Di mo yun kasalanan.
— #95Kabataan Partylist (@KabataanPL) May 9, 2022
Filipino voters should not suffer over the failures of the system and the COMELEC itself. #ExtendVotingHoursPH Every vote counts. We decide!
Let's make it trend by 4:40 pm in a social media rally pic.twitter.com/GHw1oU1BMj
"Kung bawat VCM kayang magserbisyo sa 500 hanggang 900 botante, ibig sabihin nasa 900,000 hanggang 1.6 milyong botante na ang naapektuhan ng mga pumalyang VCM," wika naman ni Ariel Casilao, national president ng grupong Anakpawis.
"Baka sa SD cards magkaroon ng hokus pokus at dayaan. Dapat inaalis lang ang VCM pagkatapos ng botohan. Dapat magbantay ang lahat sa dayaan at anomalya."
Una nang sinabi ni John Rex Laudiangco, bagong tagapagsalita ng Comelec, na aabot sa 106,174 VCMs ang itinalaga sa buong Pilipinas para sa eleksyon.
'Extension? Siguro hindi na'
Sa kabila nito, inilinaw naman ni Comelec commissioner George Garcia kanina na wala pa silang nakikitang dahilan para palawigin ang pagtanggap ng botante sa mga presinto ngayong araw.
"'Yung extension ng voting at this point ay negative. Hanggang ngayong oras na ito, the [Comelec] en banc is decided na hanggang 7 o'clock ang botohan," banggit niya.
"Nothing will justify extension of the voting at this point."
Paglilinaw pa ni Garcia, 15 minutos lang naman daw ang brownout na nangyari sa ilang lugar, bagay na "hindi naman gaano katagal," wika niya.
Sa mga lugar nga raw gaya ng Bohol, Leyte, Surigao at Dinagat tuloy-tuloy pa rin naman daw ang eleksyon matapos payagan ang pag-arkila ng mga generation sets para matiyak ang suplay ng kuryente sa mga presinto.
"So aside from that, wala na po tayong nabalitaan na nawalan ng kuryente sa buong Pilipinas, mula sa Visayas o Luzon hanggang sa Mindanao."
"Isolated incident po 'yan [nangyari kanina]."
Ayon naman sa election lawyer na si Romulo Macalintal, dapat ikunsidera na ang pag-extend ng botohan lalo na't kasalanan ng Comelec, at hindi ng mga botante, na hindi napaghandaan nang maayos ang mga VCMs.
Paano gagawin kung nasira ang VCM?
Kanina lang nang sabihin ni dating Comelec spokesperson James Jimenez na oras na pumalya ang mga makina ay pwedeng hintayin ng mga botante na maayos ang problema.
Maaari rin daw na iwan ang iyong balota sa electoral board para sila ang mag-batch feed ng mga balota oras na gumawa na ang mga VCM.
Kapag may VCM malfunction at hindi magamit pansamantala, pwede kang maghintay na maayos ang problema, o Pwede mo iwan ang balota mo sa electoral board, para sila ang mag ba-batch feed ng mga balota pag gumagana na ang makina. #VoteSAFEPilipinas
— James Jimenez (@jabjimenez) May 9, 2022
— may mga ulat mula kay Xave Gregorio
- Latest