Pagkambyo ng 'star witness' dahilan para palayain De Lima — oposisyon
MANILA, Philippines — Panahon na para palayain si Sen. Leila de Lima matapos bumaliktad ang isa na namang tumestigo laban sa kanya pagdating sa diumano'y pagkakasangkot niya sa kalakalan ng droga, ayon sa presidential candidate na si Bise Presidente Leni Robredo.
Kamakailan lang kasi bawiin ni dating Bureau of Corrections officer-in-charge Rafael Ragos ang kanyang testimonyang nagdala siya ng milyun-milyong halaga ng pera sa mambabatas — na siyang limang taon nang nakakulong dahil sa drug charges.
"Wala nang dahilan para manatili sa piitan si Sen Leila. Dapat na siyang palayain sa lalong madaling panahon," wika ni VP Leni sa isang pahayag, Lunes.
"Kaisa ko ang bawat Pilipinong naniniwala sa hustisya sa panawagan: Free Leila now."
Sinabi ni Ragos na pinilit lang siya ni dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na umamin tungkol sa bagay na hindi naman nangyari. Taong 2016 nang sabihin niya sa Senadong dalawang beses siyang nagdala ng P5 milyon kay De Lima at kanyang driver/body guard na si Ronnie Dayan sa kanyang bahay sa Parañaque kasama ang driver na si Jovencio Ablen.
Isiniwalat ito ni Ragos ilang araw matapos bawiin sa counter-affidavit ng confessed drug lord na si Kerwin Espinosa ang kanyang mga testimonya laban kay De Lima, bagay na ginawa lang daw niya dahil sa pagbabanta ng mga pulis.
"Mahigit limang taon nang nakakulong si Senator Leila de Lima, pero kahit isang gramo ng ilegal na droga, kahit isang pahina ng documentary evidence, walang naihain laban sa kanya. Ngayon, pati ang mga testimonyang ginamit na batayan ng pagpapakulong kay Sen. Leila ay isa-isa nang binabawi ng mga nagbigay nito," patuloy ni Robredo.
"Patunay lang ito ng katotohanang matagal ko nang iginigiit: Walang kaso laban kay Sen Leila de Lima. Ang tanging kasalanan niya ay ang magsabi ng totoo at ipagtanggol ang karapatan ng mga kapwa natin Pilipino."
Nananawagan naman ngayon si senatorial candidate at human rights lawyer na si Chel Diokno kay Justice Secretary Menardo Guevara na agad ilagay sa temporary leave ang mga prosecutor at iba pang mga tauhan ng ahensyang binanggit ni Ragos habang iniimbestigahan ang isyu.
Kung nagawa nila ito sa nakaupong senador, paano pa kaya sa ordinaryong mamamayan.
— Chel Diokno (@ChelDiokno) May 2, 2022
Dapat papanagutin ang nasa likod ng panggigipit kay Senadora Leila sa ginawa nilang pagbaluktot sa katotohanan at paggamit sa batas bilang instrumento ng paghihiganti at pang-aapi.
Taong 2021 lang nang i-abswelto ng Muntinlupa court si De Lima, na kilalang kritiko ng human rights violations at war on drugs ni Duterte, sa isa sa tatlong kaso niya kaugnay ng iligal na droga.
'Kung pwede, isasama namin De Lima sa miting de avance'
Sinegundahan naman ng ni Sen. Francis "Kiko" Pangilinan, na kumakandidato bilang bise presidente ni Robredo, na agad mapalaya si De Lima upang makasama nila sa pangangampanya.
Bagama't nakakulong, kasalukuyan kasing kumakandidato para sa kanyang re-election si De Lima.
"Palayain na si Sen. Leila. Gusto na namin siyang makasama sa miting de avance," wika ni Pangilinan sa isang pahayag.
"Ang dapat na kinukulong ay yung may mga conviction at arrest warrant na at malaya pang winawaldas ang ninakaw sa bayan, winawaldas maging sa fake news."
Nakatakdang magsagawa ng miting de avance ang kampo nina Robredo at Pangilinan sa Metro Manila sa ika-7 ng Mayo bago, ilang araw bago ang mismong eleksyon.
Dumistansya naman si acting presidential spokesperson Martin Andanar sa recantation ni Ragos at iginiit na nagtitiwala sila sa DOJ at prosekusyon kaugnay ng kanilang mandato. — may mga ulat mula kina Xave Gregorio at Kristine Joy Patag
- Latest