^

Bansa

EJK? Parte talaga 'yan ng gobyerno, ani Robin Padilla na Duterte supporter

James Relativo - Philstar.com
EJK? Parte talaga 'yan ng gobyerno, ani Robin Padilla na Duterte supporter
Litrato ni 2022 senatorial aspirant Robin Padilla (kanan) habang kinakamayan si Pangulong Rodrigo Duterte (kaliwa)
Released/PCOO, File

MANILA, Philippines — Aminado ang aktor at 2022 senatorial candidate na si Robin Padilla na bahagi talaga ng instrumento ng gobyerno laban sa kriminalidad ang extrajudicial killings (EJK) — lalo na sa kampanya nito kontra iligal na droga.

Ganito ang sabi ng "bad boy ng pelikulang Pilipino" sa panayam ng ANC ngayong araw nang tanungin tungkol sa "war on drugs" ni Pangulong Rodrigo Duterte, bagay na tinawag niyang "pinakamatagumpay."

"Kasama na po talaga 'yan. Ang EJK kasama na 'yan. Si Andres Bonifacio nga ang unang biktima ng EJK," wika ni Binoy na sinabing mas malaki pa ang ekonomiya ng droga kaysa sa buong Pilipinas, Huwebes.

"Nanggaling na po ako sa bilangguan... Tatlong taon at kalahati... Kasama po 'yan, tuwing magpapalit ng administrasyon kailangan po talagang magkaroon ng 'cleansing.' Sapagkat lahat ng magtuturo doon sa kanilang mga patong, yayariin lahat 'yan pababa para siya ang malinis."

Matatandaang ipinapatay ni noo'y Pangulong Emilio Aguinaldo sina Bonifacio at kapatid niyang si Procopio sa Maragondon, Cavite sa kasong "sedisyon" at "treason" laban sa gobyerno ng nauna. May alitan pa ngayon ang mga istoryador kung sino kina Aguinaldo at Bonifacio ang totoong unang presidente ng Pilipinas.

Una nang inaprubahan ng International Criminal Court ang "full investigation" sa war on drugs at human rights violations sa ilalim ni Digong noong 2021. Aabot na sa 6,225 ang napapatay sa drug war simula nang umupo si Duterte noong 2016, na matagal nang nagsasalita laban sa mga human rights advocates.

Aabot na sa 61 kaso kaugnay ng daan-daang miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang nakitaan ng administrative/criminal liability pagdating dito ng PNP Internal Affairs Service noong nakaraang taon, ayon sa Department of Justice noong nakaraang taon.

"Sa aking palagay, dito lang nahubaran ng maskara ang mga narco-politican, ang mga generals. At kung talagang gusto po nating matapos 'to, well, kailangan po talaga dito iron fist," dagdag ni Robin, na kilalang suporter ni Duterte.

Palasyo: Hindi namin 'yan polisiya

Sinabi itong lahat ni Padilla, miyembro ng PDP-Laban ni Duterte, kahit na iginigiit ng Malacañang na tutol sila sa pagkakasa ng EJK — bagay na labag sa batas at walang due process.

"We prohibit EJK. Any extra-judicial means is not allowed," wika ni acting presidential spokesperson Karlo Nograles nitong Enero lang.

"We will prosecute those who should be punished, those who should be charged and even in the Department of Justice and the NBI (National Bureau of Investigation), the wheels of justice are in motion against anybody accused of any EJK."

'Hindi ito pelikula, Robin'

Sa kabila ng mga sinabi ni Robin, nakikiusap siya sa taumbayan na huwag isisi kay Duterte ang mga nagaganap na EJK sa Pilipinas.

"Sana po 'wag nating isisi 'yan [kay Duterte]. Nagkataon lang na ang lente na kay Pangulong Duterte dahil kung magsalita siya, against siya sa human rights," banggit pa ng kontrobersyal na aktor.

Pinalagan naman ng grupong Karapatan ang mga pinagsasabi ng kandidato sa pagkasenador, lalo na't iligal ang EJK. Aniya, kung gagamitin sa konteksto ng armadong tunggalian, pwede pa nga itong itratong war crime sa ilalim ng international human rights instruments.

"This is not a movie, Mr. Padilla, where one just conjures fight scenes and be well after every shoot," wika ni Kristina Palabay, secretary general ng Karapatan kanina.

"[EJKs] has only resulted in thousands of people killed, many of them from poor communities, with police personnel acting as judges and executioners with the blessings and guaranteed support of President Duterte. Such a policy can never be considered as something good or acceptable in a so-called democracy."

"So, if a senatorial candidate like Mr. Padilla espouses this kind of position and rhetoric, he does not deserve any vote from members of the electorate who value the right to life, to due process, and to other basic rights. He deserves utmost condemnation."

2022 NATIONAL ELECTIONS

EXTRAJUDICIAL KILLINGS

HUMAN RIGHTS

KARAPATAN

ROBIN PADILLA

RODRIGO DUTERTE

WAR ON DRUGS

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with