Compensation sa COVID-19 positive health workers, hiling ilabas agad
MANILA, Philippines — Sa gitna nang patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases sa hanay ng healthcare workers (HCWs), nanawagan ang Act As One Party-list na agarang i-release ng pamahalaan ang pondong nakalaan para sa compensation ng medical frontliners na nagkakaroon ng COVID habang naka-duty.
“Sa pinakahuling tala ng DOH, 3,114 HCWs ang may COVID sa mga pampublikong ospital at institusyon, hindi pa kasama ang nasa pribado. Habang sila’y may sakit, kailangan nila ng gamot, vitamins at maraming supplements. Nararapat lamang na suportahan sila ng pamahalaan sa kanilang mga gastusin,” ani Atty. Marcelino Arias, Jr., second nominee ng Act As One Party-list.
Aniya, sa PGH pa lang umano ay mahigit 1,100 HCWs na ang tinamaan ng COVID.
Bukod sa ibang benepisyo, ang medical frontliners na magkakasakit sa COVID habang on duty ay makakatanggap dapat ng sumusunod: P15,000 para sa mild o moderate na cases, P100,000 para sa malubhang impeksyon, at P1 milyon kapag nasawi dahil sa COVID.
“Hindi naman talaga mababayaran ng anumang halaga ang sakripisyo ng ating magigiting na frontliners. Ngunit kahit paano, makakatulong ito sa kanilang gastusin habang nagpapagaling,” ani Arias.
- Latest