'Rizal Day free ride': MRT-3, LRT-2 may libreng sakay sa ika-30 ng Disyembre
MANILA, Philippines — Natuwa ka ba sa mga natanggap na aguinaldo't libreng give aways sa opisina noong nagdaang Pasko? Kung oo, mukhang magugustuhan mo ang balitang ito.
Mamimigay kasi ng limitadong libreng sakay ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) sa Huwebes, kasabay ng pagdiriwang ng "Rizal Day."
"May handog na libreng sakay ang pamunuan ng MRT-3 sa mga pasahero nito sa darating na Rizal Day, ika-30 ng Disyembre 2021, mula 7:00 AM hanggang 9:00 AM, at mula 5:00 PM hanggang 7:00 PM," ayon sa pamunuan ng Department of Transportation-MRT-3, Martes.
"Ang libreng sakay ay bilang pakikiisa ng pamunuan ng MRT-3 sa paggunita at pag-alala ng buong bansa sa kabayanihan ni Gat Jose Rizal."
"Upang mapanatiling ligtas ang biyahe ng mga pasahero, mahigpit pa ring ipinatutupad ang COVID-19 health and safety protocols sa buong linya, gaya ng pagbabawal kumain, uminom, makipag-usap sa telepono, at magsalita sa loob ng mga tren," ayon pa sa linya ng tren.
"Mahigpit ding ipinatutupad ang pagsusuot ng face mask samantalang boluntaryo ang pagsusuot ng face shield."
Ganito rin ang pahayag ng LRT-2 kanina, ngunit ibibigay lang nito ang pribilehiyo sa mas maiksing panahon — sa pagitan ng 7 a.m. hanggang 9 a.m. — ng araw ding 'yon, ayon sa Light Rail Transit Authority.
Wala pang balita kung susunod ang LRT-1 at Philippine National Railways sa pag-aalok ng libreng sakay.
Gayunpaman, kinumpirma ng Light Rail Manila Corporation na patuloy magserserbisyo ang LRT-1 sa Rizal Day habang sinusunod ang kanilang "regular weekends/holiday schedule."
Kasabay nito, ipinabatid ng MRT-3 na aalis ng 4:40 a.m. ang unang ren mula North Avenue station habang 5:26 a.m. naman ito mula Taft Avenue station.
Ang huling tren naman ng linya ay aalis mula sa North Avenue station ng 9:30 ng gabi at mula sa Taft Avenue station ng 10:16 ng gabi.
Ang ika-125 anibersaryo ng Rizal Day (regular holiday) ay ipinagdiriwang sa Pilipinas bilang paggunita sa pagpatay ng mga mananakop na Kastila kay Jose Rizal, isang Pilipinong bayani, sa Bagumbayan taong 1986.
- Latest