P10-K 'gratuity pay' sa mga kontraktwal, job order hirit ng mga grupo sa Pasko
MANILA, Philippines — Hinahamon ngayon ng ilang manggagawa sa pampublikong sektor si Pangulong Rodrigo Duterte na aprubahan na ang hiling na dagdag na bayad na P10,000 sa lahat ng mga "hindi regular" na nagtratrabaho sa gobyerno ngayong Kapaskuhan.
Tumutukoy ang mga "job order" at "contract of service" (JO/COS) workers sa mga nagtratrabahong walang employer-employee relationship sa gobyerno. Dahil diyan, wala silang nakukuhang benepisyo gaya ng Christmas bonus o karagdagang bayad ngayong holiday labas sa 13th month pay.
"Nganga na naman ba kami ngayong Pasko?" wika ni Roxanne Fernandez, tagapagsalita ng grupong Kawani Laban sa Kontraktwalisasyon (KALAKON), Huwebes, sa isang pahayag.
Aniya, matatagpuan ang mga JO/COS sa mga lugar gaya ng:
- Department of Social Welfare and Development (pambansang ahensya ng gobyerno)
- National Housing Authority (government-owned and controlled corporations)
- local government units
- Metro Manila Development Authority
- state universities and colleges
- pampublikong ospital
Sa pagtataya diumano ng Civil Service Commission, aabot na sa 600,000 ang mga ganitong manggagawa't propesyunal sa buong bansa.
"We feel so neglected and abandoned because even though we are at the forefront of government services to the public and have been with government for more than several years, we are disowned by government as their employees by government itself," wika ng isang DSWD COS worker na ayaw magpapangalan.
Suportado rin ng presidente ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (COURAGE) na si Santiago Dasmariñas Jr. ang naturang panawagan para sa P10,000 gratuity pay ngayong Pasko.
"We consider them as fellow public servants. They need this economic relief and they certainly deserve to receive such gratuity," paliwanag ni Dasmarinas.
Una nang sinabi ng Malacañang na "walang mali" sa pagkakait ng Christmas bonus sa mga empleyadong hindi makapagpapaturok ng bakuna laban sa COVID-19 virus, bagay na itinutulak ngayon ni acting Cebu City Mayor Michael Rama sa mga nagtratrabaho sa kanilang city hall. Optional lang daw kasi ito at hindi required sa batas.
Sa ilalim ng Presidential Decree 851, sinasabing dapat bigyan ng 13th monthy pay ang lahat ng mga rank and file na manggagawa, "anuman ang nature" ng kanilang employment, bago ang ika-25 ng Disyembre taun-taon.
- Latest