^

Bansa

P50,000 multa vs 'panggulong kandidato' muling itinulak bago 2022 elections

James Relativo - Philstar.com
P50,000 multa vs 'panggulong kandidato' muling itinulak bago 2022 elections
Makikitang hawa-hawak ng babaeng ito sa isang file photo ang certificate of candidacy para sa Sangguniang Kabataan elections
The STAR/Migu, File

MANILA, Philippines — Para mapigilan ang lalong pagdami ng mga kumakandidatong "nanggugulo" o "nanlilito" lang tuwing eleksyon, muling itinulak ng isang mambabatas ang pagpapasa ng batas na magpapataw ng limpak-limpak na multa sa kanila.

Sa ilalim ng Senate Bill 726 ni Sen. Sherwin Gatchalian — na Hulyo 2019 pa inihain — layong pagbayarin ng P50,000 parusa ang sinumang kikilalaning "nuisance candidate."

"Isang pribilehiyo ang makapaglingkod sa bayan kaya't dapat na siniseryoso ito ng sinuman na gustong magserbisyo sa publiko dahil kaakibat nito ang pagsusulong sa kapakanan ng taong bayan at pag-iingat sa kaban ng bayan," ani Gatchalian, Lunes.

"Hindi kailanman katanggap-tanggap ang mga gawain na ang intensyon ay halata namang makapanlito lamang o gawing katawa-tawa ang eleksyon."

Ngayong 2022 national elections, ilan sa mga naghain ng certificates of candidacy (COC) sina: presidential aspirant Laurencio Yulaga, na nagsasabing "gamot" sa COVID-19 ang pangunguryente ng tao; vice presidential hopeful na si Alexander Lague na nagsabing ipakukulekta niya ang ihi ng mga tao para gawin itong pabango at fertilizer.

Naghain din ng kanyang COC sa pagkapangulo ang isang Daniel Magtira, na iginigiit na asawa siya ang aktres na si Kris Aquino. Dati na rin siyang idineklarang nuisance candidate ng Comelec.

Layon ng SB 726 na amyendahan ang sections 69, 261 (CC) at 264 ng Omnibus Election Code, gayunpaman nakabinbin pa rin ito hanggang ngayon sa komite. Agosto 2021 lang maipasa sa ikatlo at huling pagdinig ng Kamara ang House Bill 9557, na magpapataw ng mas malaking parusa na aabot ng P100,000 para sa mga nuisance candidates.

"Kada eleksyon na lang ay hindi nawawala sa eksena ang filing ng mga nuisance candidates. Ang karapatang bumoto ay sagrado kaya dapat lamang na seryosohin ito hindi lamang ng mga botante, maging ng mga kumakandidato sa pampublikong posisyon," dagdag pa ng senador.

Nuisance candidates? Ano raw?

Una nang nagtakda ng mga panuntunan ang Comelec pagdating sa kung sinu-sino ang maaaring ituring na "nuisance candidates," na siyang hindi mapapasama sa pinal na listahan ng mga kandidato tuwing eleksyon. 

Ayon sa Section 69 ng Omnibus Election Code, itinuturing na nuisance candidate ang mga kandidatong:

  • nais gawing katatawanan (mockery) ang election process, pati na rin ang mga nais sirain ang magandang reputasyon nito (disrepute)
  • layong manlito ng mga botante dahil sa pagkakaroon ng malaking pagkakahalintulad sa pangalan ng iba pang rehistradong kandidato
  • nagpapakita na wala silang seryosong intensyon na tumakbo para sa posisyong hinainan ng COC

Walang parusang kriminal vs nuisance candidates

Bagama't pwedeng tanggalin sa listahan ng mga pinal na kandidato ang mga nuisance candidates, inililinaw ni Comelec spokesperson James Jimanez na walang pwedeng ikaso sa kanila.

"Ang problema po sa Comelec side, is that tali po ang kamay namin doon sa batas. Under the Omnibus Election Code, ang pwede lang nating gawin sa mga nag-file bilang nuisance candidates ay tanggalin sila sa listahan at wala nang ibang aksyon," ani Jimenez sa panayam ng ONE News.

"In other words, wala silang criminal liability. Hindi natin sila makakasuhan ng kahit ano."

Dati na raw nilang inirekomenda ng Comelec na mag-require ng "bond" sa mga maghahain ng COC, maliban para sa mga multa. 

"May mga ganyang proposals ngayon, pero unfortunately, hindi umabot para sa 2022 elections," paliwanag ng tagapagsalita ng poll body. — may mga ulat mula sa ONE News

2022 NATIONAL ELECTIONS

COMMISSION ON ELECTIONS

NUISANCE CANDIDATE

SHERWIN GATCHALIAN

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with