'Red-tagged' na lider magsasaka patay nang magka-COVID-19 sa preso
MANILA, Philippines — Pumanaw na ang lider manggagawa at magsasaka na si Joseph Canlas matapos lumala ang kalusugan sa pagkakakulong sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic, ulat ng ilang progresibong grupo ngayong araw.
Lunes lang nang manawagan ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na palayain na si Canlas sa ngalan ng "humanitarian grounds" matapos maging kritikal ang kondisyon kasabay ng COVID-19 infection, hypertension at diabetes.
Ang balita ay kinumpirma mismo ng Bayan Muna at Anakpawis party-list, Martes. Aniya, ang mga "gawa-gawang kaso" at "red-tagging" ng gobyerno laban kay Canlas ang ultimong nagdulot ng kanyang pagkasawi.
"We mourn the avertable passing of exemplary peasant leader Joseph Canlas. He passed away early this morning after succumbing to complications of COVID-19, which he acquired from unjust and prolonged detention," ayon sa Anakpawis sa isang pahayag.
Paliwanag ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, nagpositibo sa nakamamatay na virus si Ka Joseph matapos sumailalim sa antigen test habang nasa intensive care unit.
"[Ikinulong muna siya] sa mga gawa-gawang kaso. Ngayon siya ay pumanaw na at ang kanyang kamatayan ay pananagutan ng mga nasa otoridad dahil noong siya ay hinuli noong March 30 sa tinaguriang 'huli week' ay napakalakas pa niya," ani Zarate.
"He was not even tested for COVID when he was in quarantine even if the BJMP knows that Ka Joseph had hypertension and diabetes which makes him more vulnerable to COVID infection. He was only brought to the hospital when it was too late."
Ayon pa sa accounts ng KMP, "minaliit" diumano ng BJMP Angeles District Warden Jail Superintendent Rebecca Manalo-Tiguelo ang pag-inda ni Canlas sa kanyang kalusugan bilang "arte lang" habang nakapiit sa kulungan.
Kaugnay nito, pinananagot ng nasabing grupo ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, BJMP at ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa pagkakamatay ng nasabing lider-aktibista.
"Charges must be brought against those who caused his untimely death. We must also take note and be wary of what happened to Ka Joseph as it may be another modus, a form of "silent extra-judicial killing" via Covid19," patuloy ni Zarate.
Wala pa namang pahayag ang Philippine National Police (PNP) patungkol sa pagkakamatay ni Canlas sa loob ng kulungan.
Ayon sa grupong Amihan National Federation of Peasant Women, ika-8 nang isugod sa pagamutan si Ka Joseph dahil sa posibleng stroke at mababang lebel ng oxygen.
Inilipat naman siya sa ICU dahil sa acurte respiratory failure at COVID-19. Pagsapit ng ika-19 ng Mayo, comatose na si Canlas.
Kakampi ng mga magsasaka sa Central Luzon
Ilang dekada nang kilala si Canlas sa Central Luzon para sa kanyang pangunguna sa mga kampanya laban sa land grabbing, pagpapaalis sa mga magsasaka ng Hacienda Luisita, Hacienda Dolores, Pantabangan Dam, Fort Magsaysay Military Reservation sa Nueva Ecija, Camp Gregg sa Pangasinan, New Clark City, CLEX, TPLEX at SCTEX.
Pinangunahan din niya ang mga kampanya para ma-repeal ang Republic Act 11203 o Rice Liberalization Law, importasyon at pagpapataas sa presyo ng farm gate prices ng palay.
"Canlas was undeniably killed by Duterte as being imprisoned with trumped up charges is akin to death sentence, especially to those who have comorbidity like Canlas," ayon sa pahayag ng Anakpawis.
"Had Canlas not been arrested and charged with fabricated cases, he would have been alive and well by now, continuing his noble deeds for the emancipation of the peasantry and other marginalized sectors in Central Luzon."
Sinisingil ngayon ng mga naturang grupo ang administrasyong Duterte at kanyang mga "teroristang makinarya" para sa pagpanaw ni Canlas, na labis ang naging ambag sa laban ng kilusang pesante sa bansa. — James Relativo
- Latest