Bahay ni Duterte sa Malacañang hindi nakalusot sa baha
MANILA, Philippines — Hindi nakaligtas sa baha ang Malago Clubhouse na nasa loob ng Presidential Security Group Compound sa Malacañang Park na official residence ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Sen. Christopher “Bong” Go, umapaw na rin ang Pasig River kung saan malapit ang bahay ng Pangulo.
“Sa totoo lang, iyong likod po ng kaniyang bahay ay umapaw na rin po, iyong Pasig River kung saan po siya nagmi-meeting kanina ay sobrang lakas pa po and hopefully sana po ay palabas na itong bagyo at tumigil na po ang ulan,” ani Go.
Dumadalo ang Pangulo sa 37th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit and Related Summits sa pamamagitan ng video conference habang nanalasa ang bagyong Ulysses sa Metro Manila at karatig lalawigan.
Matapos ang talumpati ng Pangulo sa ASEAn Summit, agad rin itong umalis para magbigay ng mensahe sa mga mamamayan at pagkatapos ay nagsagawa ng aerial inspection sa Marikina at Rizal kasama si Go.
Kinumpirma rin ni Presidential Spokesperson Harry Roque na mismong ang Malacañang ay binaha kahapon.
Mariin ding pinabulaanan ng Pangulo na siya ay natutulog at walang ginagawa sa kasagsagan ng bagyo.
- Latest