Velasco binanatan ng Duterte supporters sa pagkampi sa solons sa ‘red-tagging’

MANILA, Philippines — Kinuwestyon ng mga supporter ni Pangulong Rodrigo Duterte ang gina-wang pagkampi ni House Speaker Lord Allan Jay Velasco sa mga solon sa red-tagging issue.
Sinabi ng mga ito na malinaw umanong pagbalewala kay Pangulong Duterte at pangmamaliit sa kakayahan ng militar sa pangangalap ng impormasyon laban sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) ang naging hakbang na ito ni Velasco.
Kasabay nito, hinamon naman nila si Velasco na patunayang malapit na kaalyado siya nina Pangulong Rodrigo Duterte at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Sa kanilang Youtube Channel, sinabi ng mga ito na sa ginawang pagtatanggol ni Velasco sa Makabayan Bloc ay ipinakikita lamang nitong wala siyang nalalaman sa isyu ng CPP-NPA.
“Kung talagang kay Pangulong Duterte ka, sumunod ka sa kumpas ng Pangulo hindi naman sila mag-aakusa nang walang ebidensya, sinasabi mong careless accusations si Lt. Gen. (Antonio) Parlade Jr., hindi sila careless, puno ng ebidensya, hindi ka nanonood, wala kang internet?” anang DDS.?
Una rito, nagpasalamat sina Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate at Act Teachers Partylist Rep. France Castro kay Velasco sa ginawa nitong pagtatanggol sa kanila sa red-tagging ni Parlade, spokesman ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) kung saan naramdaman umano nilang protektado sila ni Velasco.
Sinabi ng mga supporters ni Pangulong Duterte na dalawa lamang ang nakikita nilang dahilan ng pagkampi ni Velasco sa Makabayan Bloc, una ay natatakot siyang banggain ang CPP-NPA dahil mayroong mga NPA sa distrito nito sa Marinduque o mapapakinabangan niya sa 2022 election ang mga ito.
- Latest



















