^

Bansa

195 preso, 38 kawani mula sa sari-saring BJMP jails positibo sa COVID-19

James Relativo - Philstar.com
195 preso, 38 kawani mula sa sari-saring BJMP jails positibo sa COVID-19
Makikita sa litratong ito noong ika-27 ng Marso kung gaano kasikip sa loob ng Quezon City Jail tuwing oras ng tulog, na isa sa tatlong BJMP facilities na tinamaan ngayon ng COVID-19.
AFP/Maria Tan

MANILA, Philippines — Muling nagsitaasan ang bilang ng mga tinatamaan ng nakamamatay na coronavirus disease sa sari-saring kulungang pinamamahalaan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa buong bansa, paglalahad ng gobyerno, Martes.

Sa virtual press briefing ng Kamara kanina, sinabi ni BJMP chief director Allan Iral na nagmula ang mga naturang kaso sa tatlo nilang pasilidad sa Pilipinas.

"The three facilities I am talking about, ito po 'yung Quezon City Jail, Cebu City Jail and Mandaue City Jail kung saan meron na po tayong mga PDL na positive for COVID-19," ani Iral.

Sa 373 na persons deprived of liberty (PDLs) na kanilang sinuri, lumalabas na 195 sa kanila ang kumpirmadong tinamaan na ng virus.

Isa sa mga COVID-19 cases sa Mandaue ang dinala nasa sa Vicente Sotto Hospital. Wala pang gumagaling ni isa sa presong tinamaan ng virus sa ngayon.

Sa mga BJMP personnel naman, 38 sa 381 na na-test ang sinasabing nagpositibo.

"Five out of these 38 personnel has already recovered. That is in Quezon City Jail," dadag ni Iral.

Labas sa mga kulungan sa QC, Cebu at Mandaue, panay personnel lang mula sa iba pang mga pasilidad ang nagpositibo.

Nasa 134,285 ang mga preso mula sa 460 BJMP facilities sa buong Pilipinas.

"This is the situation we are in now, and that is why we are putting all efforts in coordination with other concerned government agencies to protect our personnel and persons deprived of liberty and of all our jail facilities from COVID-19," wika pa ni Iral, na nag-uulat sa DEfeat COVID-19 Sub-Committee on PEACE and ORDER Technical Working Group (TWG). 

Mga hakbang vs virus sa kulungan

Tiniyak naman ng BJMP na inihiwalay na ang lahat ng mga pasyenteng tinamaan ng sakit sa kanilang mga pasilidad upang malapatan nang nararapat na lunas, sa tulong na rin ng Department of Health at local epidemiology units.

Nagsasagawa na rin ngayon ng targeted mass testing sa QC City Jail male dormitory at Cebu City Jail para matukoy ang mga nahahawaan.

Sa ngayon, nagtatayo na rin daw sila ng 150-bed isolation center sa National Capital Region at iba pang isolation facilities sa Pampanga at probinsya ng Quezon.

Tuloy-tuloy naman daw na inoobserbahan ang mga PDLs na nagpapakita ng mga sintomas gaya ng lagnat, ubo at sipon, pati na rin ang mga nakakulong na may dati nang kondisyon sa kalusugan at mga matanda na.

Nananawagan ngayon ang mga pamilya ng ilang preso sa Korte Suprema na pagbigyan muna silang makalaya nang pansamantala, lalo na't hindi raw sapat ang mga ipinatutupad na measures ng gobyerno para mapigilan ang pagpasok ng virus sa mga kulungan.

Matatandaang pinalagan ni Solicitor General Jose Calida ang panawagan ng mga nabanggit, lalo na't "valuable members" daw ng Communist Party of the Philipines, New People's Army at National Democratic Front of the Philippines ang mga petitioner.

Isa ang International Drug Policy Consortium (IDPC) sa mga nananawagan sa agarang pagpapalaya sa mga bulnerable at presong "non-violent" ang kaso sa Timog-Silangang Asya, lalo na't halos imposible ang social distancing sa mga kulungan sa Pilipinas.

Dagdag pa riyan, kung pwede raw sana ay i-suspende na muna ang pag-aresto sa mga taong hindi naman marahas ang krimeng ginawa upang hindi na lalo pang sumikip ang mga karsel.

BUREAU OF JAIL MANAGEMENT AND PENOLOGY

CEBU CITY JAIL

INMATES

MANDAUE CITY JAIL

NOVELCORONA VIRUS

PRISONERS

QUEZON CITY JAIL

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with