^

Bansa

'Middle class' dapat may ayuda rin habang lockdown — Cavite governor

James Relativo - Philstar.com
'Middle class' dapat may ayuda rin habang lockdown — Cavite governor
Mahabang pila ng mga nakamaskarang mamimili habang nananalasa ang COVID-19 sa Pilipinas.
The STAR/Edd Gumban

MANILA, Philippines — Nanawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte si Cavite Gov. Jonvic Remulla na mabigyan din ng tulong pinansyal ang mga may panggitnang katayuan sa buhay sa gitna ng ipinatutupad na enhanced community quarantine kontra coronavirus disease (COVID-19).

Nagmakaawa si Remulla kay Digong dahil tanging mahihirap na pamilya lang ang saklaw ng P5,000 hanggang P8,000 social amelioration program ng gobyerno sa ilalim ng "Bayanihan to Heal as One Act" sa Luzon. Ipagkakaloob ang tulong sa loob ng dalawang buwan.

"Panahon ito ng krisis para sa lahat. Hindi lang para sa pinakamahihirap, ngunit pati na rin sa nakapagpundar ngunit hindi sapat," sabi ni Remulla kay Duterte sa Inggles.

"[N]agmamakaawa ako na i-consider niyo rin sila na maging bahagi [nito]. Kahit mas konti ang ibigay kumpara sa poorest of the poor pero isipin din natin ang kapakanan nila."

 

 

Kahit ang mga middle class daw na kanilang nasasakupan ay nag-aabang na rin ng relief goods mula sa kani-kanilang local government units.

Nauubos na rin daw ang naitatabing pera ng mga tao sa kanilang lugar matapos ang tatlong linggong pagpapatupad ng ECQ.

Nasa 70% ng nakatira sa Cavite ang may pamilyang migrante at nakapagpundar nang bahagya ngunit labis pa rin daw silang nahihirapan sa ngayon.

"Sobrang sama ng tama ng COVID-19 sa probinsya namin. Sa kabila niyan, hindi kami humihingi ng anuman... Kaya namin mabuhay, pero hindi lahat ganoon," dagdag pa ni Remulla.

Mahigit 300,000 ng mga Kabitenyo ang nagtratrabaho sa Maynila, habang 400,000 naman ang nagtratrabaho nilang manggagawa sa mga pabrika.

Kasalukuyang naghihigpit ngayon ang gobyerno sa paglabas-labas ng mga residente sa Luzon habang suspendido ang lahat ng pampublikong transportasyon.

Marami sa ngayon ang walang sweldo dahil sa "no work, no pay" na iskema sa trabaho. Wala ring pinagkakakitaan ang mga nagmamaneho ng jeep, tricycle, bus, taxi atbp.

Kukunin sa P200 bilyong pondo ng gobyerno ang cash assistance, na nasimulan nang ibahagi sa Region 1, 2, 3, Calabarzon (Region 4-A), National Capital Region (NCR), Cordillera Administraive Region (CAR) at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

'Pamimigay mapapabilis kung...'

Ayon naman sa Bayan Muna Party-list, labis na mapabibilis ang pagbibigay ng tulong pinansyal habang nananalasa ang pandemic, na pumatay na ng daan-daan sa Pilipinas, kung uunahing kilalanin ang hindi dapat mabigyan "dahil siguradong mas kaonti sila at mas madaling bilangin."

"Tiyak na mapabibilis nito ang proseso at ang malulubhang tinamaan, maging ang mga gutom, ay hindi na maghihintay nang matagal," sabi ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate.

Kung binubuo raw ng 20 milyong pamilya ang Pilipinas at ibibigay ang P200 bilyon sa 18 milyon pamilya sa loob ng dalawang buwan, lumalabas na target recipient dapat ang 90% populasyon ang dapat na makatanggap.

Umaabot lang daw sa 10% ng kabuuang bilang ng pamilya (2 milyon) ang nakakukuha ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

"Ang mungkahi namin sa Bayan Muna... baliktarin ang proseso. Kilalanin ng gobyerno ang 2 milyong pamilya mula sa pinakamayaman sa mayayaman na hindi eligible sa assistance," wika pa ni Zarate.

"Ang resulta ay halos lahat ng pamilya/kabahayan ay pwedeng may social assistance."

Maraming komunidad pa rin ang hindi naaabutan ng tulong matapos ang lockdown, hanggang sa mauwi sa pagproprotesta ang isang gutom na komunidad sa Sitio San Roque, Quezon City.

Umabot sa 21 ang inaresto ng Philippine National Police sa nasabing pagkilos.

CASH ASSISTANCE

CAVITE

MIDDLE CLASS

NOVEL CORONAVIRUS

SOCIAL AMELIORATION PROGRAM

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with