Polusyon mula sa ‘coal’ mas mapanganib sa ‘ashfall’
MANILA, Philippines — Mas mapanganib at nakamamatay ang polusyon na ibubuga ng ‘coal’ o karbon kumpara sa ‘ashfall’ na nagmumula sa mga pumuputok na bulkan.
Paliwanag ng environmentalist na Philippine Movement for Climate Justice, ang ashfall sa Taal ay may sangkap lamang na PM 10 at sulfur dioxide habang ang mga coal plants ay may PM 2.5, na may malilit na butil na mas mapanganib at nakamamatay dahil may iba pang nakalalasong sangkap na carcinogenic, mercury at arsenic.
Sinabi pa ni PMCJ National Convenor Ian Rivera na, para sa mga nakatira sa mga lugar sa bansa na may nakatayong 29 coal-fired power plants, araw-araw na lumulutang sa hangin ang mga particulate matter, toxic gas, at marami nang buhay ang nalagas umano dito.
Kasabay nito, binatikos ng environmental think-tank ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil sa tila kawalan nito ng ambisyon at paninindigan na proteksiyunan ang kalikasan sa bansa, dahil sa patuloy na pagkiling nito sa pagtatayo ng mga ‘coal power plants’ sa bansa.
Ayon kay Gerry Arrances, Executive Director Center for Energy, Ecology, and Development, hindi umano tinutupad ni DENR Chief Roy Cimatu ang kaniyang ipinahayag na sa 2020, kaniyang patutunayan sa Filipino na pangangalagaan ng departamento ang kalikasan at likas na yaman ng bansa.
- Latest