Kinidnap na Pinoy sa Africa namatay
ATHENS, Greece — Namatay habang hawak ng mga kidnaper sa may West Africa ang isang Pilipino na kabilang sa mga nabiktimang crew ng isang Greek oil tanker.
Ayon sa manedyer ng barko kamakalawa, pinakawalan ng mga hinihinalang pirata sa Togo (isang bansa sa West Africa) ang tatlong crew ng Elka Aristotle tanker na sinabat at kinumpiska ng mga kidnaper noong Nobyembre pero ang ikaapat na biktima ay namatay na.
Sinabi ng European Products Carriers Ltd na ang pinakawalang tatlong lalake ay ligtas at maayos, pina-medical check up at kasalukuyang isinasailalim sa debriefing ng lokal na mga awtoridad bago pauwiin sa kani-kanilang bansa sa Pilipinas, Greece at Georgia respectively.
“Lubha namang nakakalungkot na kinumpirma ng mga manedyer na ang ikaapat na tripulante na isang Pilipino na kinidnap at binihag ay namatay,” sabi ng kumpanya sa isang pahayag.
Idinagdag ng kumpanya na kasalukuyang iniimbestigahan ang sitwasyon pero mauunawaan na ang pagkamatay ng naturang Pilipino ay dahil sa sakit at hindi bunga ng aksyon ng mga kidnaper.
Naunang sinabi ng Togolese navy na sinalakay ng mga armadong indibidwal ang naturang tanker na nasa layong 10 nautical miles mula baybayin ng Lome sa Togo kahit tinangka ng mga guwardiya na lumaban.
Ang karagatan ng West Africa ay naging isa sa pinakamapanganib na maritime region sa mundo.
- Latest