Rep. Mangudadatu magbibitiw ‘pag walang nahatulan sa Maguindanao massacre
MANILA, Philippines — Magbibitiw bilang kongresista si Maguindanao 2nd District Rep. Esmael ‘Toto’ Mangudadatu kung walang mahahatulan sa mahigit 100 suspek sa nangyaring Maguindanao masaker noong Nobyembre 23, 2009.
Tiwala si Mangudadatu na makukuha nila ang 100% conviction ng mga suspek na responsable sa pagkamatay ng 58 katao kabilang ang 32 mamamahayag.
Nabatid kay Mangudadatu na Marso 2019 nang magpasya na siyang patawarin ang mga nagkasala subalit hangad pa rin nila ang hustisya.
Tulad ni Mangudadatu, handa rin si Presidential Task Force on Media Security Undersecretary Joel Egco na magbitiw kung walang Ampatuan na mahahatulan.
Aniya, imposible na walang conviction dahil malalakas ang testimonya ng kanilang mga testigo na puspusang pinag-aaralan ni Quezon City RTC Judge Jocelyn Solis- Reyes.
Ito rin ang dahilan kaya humingi pa ng 30 araw si Solis-Reyes sa Korte Suprema para sa promulgation.
Inamin ni Mangudadatu na maraming pamilya ng biktima ang nagalit sa ‘extension’ subalit pinagpaliwanagan niya ito.
Magugunitang nabahiran ng dugo ang paghahain ng certificate of candidacy (COC) ni Mangudadatu na tatakbo sa pagka-gobernador.
Itinuturong mastermind si Datu Unsay town Mayor Andal Ampatuan at amang si Andal Ampatuan Sr., ang patriarch ng Ampatuan clan. Namatay ang matandang Ampatuan noong Hulyo 2018 dahil sa liver cancer.
- Latest