505 convicts na sumuko
MANILA, Philippines — Nasa 505 convicts na nakalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance ang naibalik na sa New Bilibid Prison (NBP).
Ayon kay Justice Undersecretary Markk Perete, ito’y limang araw bago magtapos ang ibinigay na 15-day surrender ultimatum ni Pangulong Duterte.
Sinabi ni Perete na umaasa naman siya na madadagdagan pa sa mga susunod na araw ang nasabing bilang o bago ang ultimatum.
Samantala, sinabi pa ni Perete na ang amended implementing rules and regulations (IRR) ng RA 10592 ay naisumite na kina Justice Secretary Menardo Guevarra at Interior Secretary Eduardo Año.
Nakasaad umano sa amended IRR na kung aprubado ng DOJ at DILG maaari nang magamit sa computation ng GCTA.
“Ang ginawa kasi joint review committee, nilagay na dun sa bawat section kung sino ang disqualified. May dalawang uri kasi ng GCTA, GCTA for preventive imprisonment at GCTA sa conviction,” ani Perete.
Mayroon din aniyang paliwanag ang mga heinous crime kaya mas magiging malinaw sa lahat ang guidelines.
Tiniyak din ni Perete na ang transparency provisions na nilagay nasa guidelines ay kailangan i-adapt ng monitoring and implementing committee. Kasama rito ang publication at involvement ng civil society sa deliberation.
Matatandaang noong September 4 ay inatasan ni Duterte ang nasa 2,000 heinous crime convicts na napalaya sa GCTA na sumuko na lang ng kusang loob ng 15 araw. Magtatapos ang ultimatum na binigay ng Pangulo sa September 19.
Sinabi naman ni National Capital Region Police Office chief Guillermo Eleazar na agad na maglulunsad sa Metro Manila ng manhunt operation pagkatapos ng deadline ng Pangulo.
- Latest