'Marilyn' pumasok na ng PAR, magiging tropical storm sa loob ng 48 oras
MANILA, Philippines — Ganap nang nakapasok sa Philippine Area of Responsibility ang Tropical Depression Marilyn, 9:30 a.m. ayon sa huling forecast ng PAGASA.
Alas-diyes ng umaga, namataan ang bagyong Marilyn 1,355 kilometro silangan ng Casiguran, Aurora.
"Makikitang malawak 'yung sirkulasyon at 'yung pag-ikot ng bagyong si Marilyn," ayon kay Benison Estareja, isang weather specialist.
"Kaya meron na tayong pag-ulan dito sa parteng Luzon, Visayas at even northern part of Mindanao dahil doon sa trough o extension nitong si Marilyn."
May taglay itong hangin na may lakas na 55 kilometro kada oras malapit sa sentro at pagbuso ng hangin na aabot sa 70 kilometro kada oras.
Kumikilos ito sa bilis na 25 kilometro kada oras pa-hilagangkanluran.
Wala pa namang itinataas na tropical cyclone wind signal sa ngayon.
Dahil sa trough ng bagyo, magdadala ng mahihina hanggang katamtaman at sunud-sunod na malalakas na pag-ulan sa:
- Luzon (kasama ang Kamaynilaan)
- Visayas
- Zamboanga Peninsula
- Bangsamoro
- Hilagang Mindanao
- SOCCKSARGEN
Pinag-iingat ang mga residente ng nasabing lugar, lalo na yaong mga malimit tamaan ng pagguho ng lupa at pagbaha.
"Delikado ang paglalayag, lalo na sa maliliit na sasakyang pandagat, sa central at eastern seaboards ng Visayas at northern, eastern at southern seaboard ng Mindanao," ayon sa PAGASA sa Inggles.
Mababa pa naman ang tsansang tumama ang bagyo sa kalupaan.
- Latest