'Dar sa DA': William Dar manunumpa bilang bagong Agriculture secretary
MANILA, Philippines — Magkakaroon ng panibagong kalihim ng agrikultura ngayong araw matapos magdesisyon ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol na lisanin ang kanyang pwesto.
Manunumpa bilang panibagong agriculture secretary si William Dar sa Malacañang alas-dos ng hapon Lunes.
Ang ulat ay kinumpirma mismo ni Dar sa The STAR.
JUST IN: William Dar is new Agriculture Secretary. Dar just confirmed to The STAR that he is set to take his oath in Malacañang at 2PM today @PhilippineStar @PhilstarNews
— Maureen Simeon (@maureensimeon) August 5, 2019
Dati nang nanungkulan si Dar bilang kalihim sa agrikultura mula 1998 hanggang 1999 sa ilalim ni dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada.
Hulyo ngayong taon nang sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na itatalaga na lang niya si Piñol sa Mindanao Development Authority ilang linggo matapos maisapiubliko ang kanyang pagnanais na umalis.
"Lilisanin ni Secretary Piñol ang [Department of] Agriculture... Mahirap para sa akin na asikasuhin pa ang Mindanao dahil lumikha tayo ng panibagong political entity doon, sa ilalim ng... Bangsamoro Autonomous Region in Mislim Mindanao," sabi ni Duterte sa isang talumpati sa Leyte sa Inggles.
Sa tingin daw ni Duterte, mas makatutulong si Piñol sa Mindanao Development Authority, na isang espesyal na katawang magpapaunlad sa Mindanao.
"Sa gitna ng pagbabagong pulitikal doon, kailangan nating ibigay sa mga Moro ang ipinangako natin sa kanila," dagdag ni Duterte.
Una na nagpahiwatig si Piñol ng interes na mailipat sa nasabing ahensya sa kanyang resignation letter.
Dati na ring bali-balita na hindi na masaya ang presidente sa kanyang performance sa departamento. — may ulat ni The STAR/Maureen Simeon
- Latest