VP Robredo bumaba ang net satisfaction rating sa +28 — SWS
MANILA, Philippines — Bumaba ang bilang ng mga Pilipinong nagsasabing satisfied sila sa panunungkulan ni Bise Presidente Leni Robredo noong nakaraang buwan, ayon sa pag-aaral ng Social Weather Stations na inilabas Martes ng gabi.
Mula sa 63% kasi noong Marso, naging 57% na lang ang nagsasabing kuntento sila sa kanyang trabaho.
Tumaas naman ang bilang ng mga nagsasabing hindi sila kuntento sa ipinakita ni VP Leni. Mula 21%, umakyat ang "dissatisfied" patungong 29%.
Nasa 14% naman ang "undecided" pagdating sa kanyang trabaho, na bumaba mula sa noo'y 16%.
Dahil dito, nasa +28 na lang ang net satisfaction rating ng ikalawang pangulo. Nakukuha ang net satisfaction rating sa pamamagitan ng pag-awas ng porsyento ng satisfied sa hindi satisfied.
Ito'y 14 puntos na pagbaba mula sa +42 na kanyang nakuha nitong Marso 2019.
"Compared to March 2019, the June 2019 survey found double-digit declines in Vice-Pres. Robredo’s net satisfaction rating in all basic socio-demographics, except for the single-digit changes among class E..., the 18-24 year olds..., and college graduates," sabi ng SWS.
(Kumpara noong Marso 2019, double-digit ang ibinaba ng net satisfaction rating ni Vice Pres. Robredo sa lahat ng batayang socio-democraphics, maliban sa single-digit na pagbanago para sa mga nasa class E, 19-24 taong gulang at nagtapos ng kolehiyo.)
Mula "good" (+30 hanggang +49) ay lalo pa tuloy bumaba ang kanyang puntos sa "moderate" (+10 hanggang +29).
Humaharap ngayon sa kasong sedition atbp. si Robredo, sampu ng iba pang mga personalidad ng oposisyon. Gayunpaman, hindi naman daw siya nagpapatinag dito.
Isinagawa ang pag-aaral mula ika-22 hanggang ika-26 ng Hunyo 2019 sa pamamagitan ng harapang panayam sa 1,200 katao na 18-anyos pataas.
Sotto at Senado 'very good' pa rin
Samantala, nanatili naman sa "very good" si Senate President Vicente "Tito" Sotto noong Hunyo matapos makakuha ng +60 na net satisfaction rating.
Ito'y isang-puntos na pagbaba lamang mula sa +61 noong Marso.
Tumaas naman ng mula 71% (Marso) patungong 72% (Hunyo) ang nagsasabing satisfied sila sa trabaho ni Sotto, na kilala rin sa tawag na "Tito Sen" sa "Eat Bulaga."
Bagama't tumaas ang satisfied, tumaas din ang dissatisfied mula 10% patungong 13%.
Posible 'yan dahil nabawasan ang "undecided" tungkol sa kanyang panunungkulan, mula 19% (Marso) patungong 14% (Hunyo).
Samantala, nanatili naman sa "very good" ang rating ng Senado sa +63.
Arroyo 'poor' rating, Kamara record-high ang rating
Muli pang bumagsak ang net satisfaction rating ni dating Speaker Macapagal-Arroyo bago lisanin ang pwesto ngayong taon.
Mula sa ika-17 noong Marso 2019, bumulusok pa ito sa -20, na itinuturing na "poor" ng SWS.
Pinakamalala ang nakuha ni Arroyo sa Metro Manila, na sumadsad sa -43, at itinuturing na "bad."
Sa kabila ng mga numero pagdating sa House speaker, nakakuha naman ng record-high na +48 ang net satisfaction rating ng Kamara.
Nakakuha ito ng +48 noong nakaraang buwan mula sa dating record na +47 noong Marso 2019.
Bersamin at Korte Suprema
Nakakuha naman ng "moderate" na rating si Chief Justice Lucas Bersamin noong Hunyo, matapos makakuha ng +13 na net satisfaction rating.
Bahagya itong bumaba +14 noong Marso.
Samantala, "very good" pa rin ang rating na Korte Suprema at nakakuha ng record-high na +54, mas mataas kaysa sa +50 noong Marso.
- Latest