Illegal recruiters next target ni Digong
MANILA, Philippines — Malapit nang matapos ang pamamayagpag ng mga illegal recruiters sa bansa dahil sa gobyerno na dadaan ang papel ng mga nais magtrabaho sa ibang bansa sa pamamagitan ng itatayong Department of Overseas Filipinos (DOF).
Inaasahang mamadaliin sa pagpasok ng 18th Congress ang pagpasa ng panukalang batas matapos magbigay ng deadline si Pangulong Duterte na dapat maitayo ito pagdating ng Disyembre.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa pagdiriwang ng Araw ng Pasasalamat sa OFW Summit sa Camp Aguinaldo, Quezon City.
Layunin din ng panukala na magkaroon ng ahensiya na tututok sa pangangailangan ng mga OFWs at tutulong sa kanila laban sa mga illegal recruiters.
“Bawal na ang recruitment sa labas. Kung gusto nila, under the supervision of government and walang horrendous charges, hindi ako papayag nang ganoon,” pahayag ng Pangulo.
Sinabi pa ng Pangulo na dapat bilisan ang pagtatayo ng nasabing departamento na lalapitan ng mga Filipino na nais magtrabaho sa labas ng bansa.
“Apurahin ko ’yang Department of OFW…By December. Buong Pilipinas ito. Bawal na ‘yang recruitment diyan sa labas na punta ka doon. Doon ka makipag-deal, may listahan doon,” sabi ng Pangulo.
Idinagdag ng Pangulo na magiging regulated na ang recruitment at tatanggalin na ang sistema kung saan masyadong naabuso ang mga OFWs.
“Mamili ka na lang kung sino ang gusto mo at ’yan regulated and I have the power to do that because that kind of mechanism of recruiting Filipino workers abroad has been abused and abused and abused,” sabi ng Pangulo.
Sa nasabing okasyon, ibinida rin ng Pangulo na at asawang si Honeylet Avanceña na isang nurse ay naging OFW at nagtrabaho sa ibang bansa sa loob ng apat na taon.
“My wife is an OFW too. Pareho rin ninyo. She was away for four years. Nag-ipon ng pera. At when she came back, ‘yung bahay namin ngayon, nakabili siya ng housing. Housing project lang. It’s near downtown but kanyang pagod ‘yan,” pagmamalaki ng Pangulo.
Tiniyak din ng Pangulo na ginagawa ng gobyerno ang lahat para maproteksiyunan ang karapatan at kapakanan ng mga OFWs.
- Latest