Attendance ng next Speaker silipin
MANILA, Philippines — Iminungkahi ng isang political analyst na tignan ang dedikasyon ng mga kandidato sa pagka-House Speaker, at ito ay sa pagsilip sa kanilang attendance bilang mambabatas.
Ayon kay UP professor at political analyst Ranjit Rye, dapat tignan ang work ethic ng isang magiging House Speaker dahil dito pa lamang ay makikita kung magtatagumpay ang 18th Congress.
Para kay Rye, may masasabi na agad sa personalidad ng isang potensyal na lider sa pagsilip pa lamang sa naging attendance nito.
“Huwag na natin muna tignan yung dami ng batas na ipinanukala, tignan muna yung attendance, kasi kung pala absent na sigurado bagsak din sa performance,” pahayag ni Rye.
Isa ang pagiging pala absent sa ipinupukol na isyu kay neophyte Speakership candidate Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Ang sesyon ng Kamara ay mula Lunes hanggang Miyerkules lang na nagsisimula alas 3:00 ng hapon.
Batay sa 16th Congress Attendance na nakapaskil sa website ng Kamara ay 2 lamang ang attendance ni Velasco sa Third Session ng 16th Congress.
Bagamat hindi pa ipinalalabas ang official attendance para sa 17th Congress ilang insider ang nagsabi na halos kalahati ng kabuuang sesyon ay hindi pumasok si Velasco.
Bukod kay Velasco ilan pa sa kandidato sa Speakership sina Rep. Alan Peter Cayetano, dating House Speaker Pantaleon Alvarez, Leyte Rep. Martin Romualdez at Pampanga Rep. Dong Gonzales.
- Latest