'Ay, gera ba?': Watawat baliktad sa ASEAN Independence Day greeting
MANILA, Philippines — Laking pagtataka ng ilang Pilipino nang makita ang inilabas na pagbati ng Association of Southeast Asian Nations para sa ika-121 taon ng Araw ng Kasarinlan ngayong araw.
Sa paskil kasi, na ngayo'y burado na, baliktad ang tangang Philippine flag ng dalawang lalaki't babae sa litrato.
Ayon sa Section 9 ng Republic Act 8491, nangangahulugan ng digmaan ang paglaladlad ng watawat kung ipaiibabaw ang kulay pula sa asul.
"The flag, if flown from a flagpole, shall have its blue field on top in time of peace and the red field on top in time of war..."
Imbis na matuwa, ikinairita tuloy ng ilan ang ginawa ng ASEAN.
"Please change the picture. Not happy it is displayed that way in this special occasion," sambit ng isang Jake Penarubia Beltran.
"Thanks for the greetings ASEAN brothers and sisters! However the PH flag held was wrongly positioned. It's a big deal here in the PH," wika naman ng isang Vicente Villahermosa Impel.
Sa pagbati ng @ASEAN sa ika-121 Araw ng Kasarinlan ng Pilipinas, napuna ng netizens ang maling paghawak sa watawat ng bansa. Ayon sa batas, nangunguhulugan kasi ng digmaan ang paglalagay ng pulang bahagi nito sa ibabaw ng asul. pic.twitter.com/QoO0Ia7BnO
— Pilipino STAR Ngayon (@PilStarNgayon) June 12, 2019
Bagama't mukhang mga Asyano ang nasa litrato, duda ang ilang nagkokomento kung Pilipino bang talaga ang mga may hawak ng bandila.
"The flag [is] placed in a wrong way. Are the guys holding the flag Filipinos?" sabi ng isang Rafael Dino.
May kaukulang parusa naman na ipinapataw para sa mga lalabag sa probisyon ng RA 8491, na kilala rin sa pangalang "Flag and Heraldic Code of the Philippines." Ilan na rito ay multa at ang posibleng pagkakulong.
"Any person or juridical entity which violates any of the provisions of this Act shall, upon conviction, be punished by a fine of not less than Five thousand pesos (P5,000) nor more than Twenty thousand pesos (P20,000), or by imprisonment for not more than one (1) year, or both such fine and imprisonment, at the discretion of the court," dagdag ng batas.
Para sa mga lalabag dito nang dalawa o mas marami pang beses, papatawan ng parehong multa ang kulong ang mapatutunayang nagkasala.
Ngayong araw din ang pagtatapos ng "Flag Days" kung kailan inaanyayahan ang lahat ng Pilipino na mag-display ng kanya-kanyang watawat.
May 28-June 12 are the Flag Days; all citizens are encouraged to fly the Philippine colors: https://t.co/O6r6YTjkPd pic.twitter.com/iSVHP4X67V
— Official Gazette PH (@govph) June 2, 2016
- Latest