Tobacco tax bill ipapasa na sa Malacañang
MANILA, Philippines — Inaasahang maipapadala na sa Malacañang upang malagdaan ni Pangulong Duterte ang Tobacco tax bill matapos makalusot sa dalawang kapulungan ng Kongreso.
Layunin ng panukala na makalikom ng karagdagang buwis sa mga produktong tabako upang matustusan ang Universal Health Care program ng gobyerno.
Ayon kay Sen. Sonny Angara, chairman ng Senate Committee on Finance, mapupunan na ang malaking pangangailangan ng gobyerno sa pondong para sa UHC.
Nauna rito, naisabatas ang UHC law nitong Pebrero kung saan awtomatiko nang sakop ng PhilHealth ang lahat ng Pilipino.
Ayon sa Department of Health na nangangailangan sila ng P257 bilyon para sa unang taong pagpapatupad ng UHC Law.
Para sa taong 2020, maaaring maitustos ng gobyerno ang mga pondong makakalap mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office at sa Philippine Amusement and Gaming Corporation.
Gayunman, nagbababala ang Dept. of Finance na maaaring ma-short ng P62 bilyon ang UHC program kung walang malilikom na pondo mula sa sin tax.
Kapag naisabatas na ang panukala ay P45 dagdag sa excise tax kada pakete ang increase sa 2020 hanggang sa pumalo na sa P60 kada pakete ng yosi sa Enero 2022.
Mula 2024 ay itataas ito ng limang porsyento kada taon.
Bukod sa sigarilyo, papatawan na rin ng buwis ang vape o e-cigarettes at heated tobacco products.
- Latest