Ex-House Speaker Nograles pumanaw na
MANILA, Philippines — Sumakabilang buhay na si dating House Speaker Prospero Nograles sa edad na 71 anyos.
Ito ang kinumpirma kahapon ng kanyang anak na si Cabinet Sec. Karlo Alexei Nograles.
“Papa passed away peacefully, surrounded by his family. May we please ask for your continued prayers. Our family would like to express our deepest gratitude to all of you for being a part of Papa Boy Nogie’s life and journey,” pahayag ni Nograles sa text messages sa mga reporter.
Sinabi naman ni PBA Partylist Rep. Koko Nograles, bago namatay ang kanilang ama ay masaya pang nagdiwang ang kanilang pamilya sa pagkakapasa ng kaniyang nakababatang kapatid na si Margarita “Migs” Nograles sa 2018 Bar exams.
Nabatid na si Nograles ay nahalal na Speaker ng Kamara noong 2008 bilang kaalyado ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Nagsilbi ito ng limang termino sa halos 15 taon bilang Kongresista ng Unang Distrito sa Davao City.
Ilang beses na ring tinangka ni Nograles na kunin ang liderato sa Davao City pero natalo ito sa eleksyon sa noo’y naluklok na si dating Mayor at ngayon ay Pangulong Duterte noong 1990 at maging nitong 2010 sa presidential daughter na si Sara Duterte-Carpio.
Itinalaga naman ni Pangulong Duterte si Karlo Alexei sa kaniyang gabinete nitong 2018.
Kaugnay nito, ipinaabot naman ng mga mambabatas sa Kongreso ang kanilang pakikiramay sa pagpanaw ng dating House Speaker.
- Latest