2 ‘Mapagkalinga Center’ itatayo ng PCSO
MANILA, Philippines — Matutuldukan na rin sa wakas ang paghihirap at kaawa-awang kalagayan ng mga pasyente at mga bantay nila sa government hospitals sa Mindanao na nakikitang natutulog sa mga upuan at karton at ni walang maliguan.
Ito’y matapos aprubahan na ng board of directors ng PCSO ang konstruksiyon ng dalawang kauna-unahang ‘Mapagkalinga Center’ na itatayo sa Southern Philippines Medical Center (SPMC) sa Tagum City at Davao Regional Medical Center (DRMC) sa Davao City.
Ayon kay PCSO Chairman at OIC General Manager Anselmo Simeon Pinili, ang proyekto, na nagkakahalaga ng P268 milyon, ay nakatakda nang isumite kay Pangulong Duterte.
Hindi lamang mga pasyente ng lungsod ng Tagum at Davao ang makikinabang sa proyekto dahil mahigit kalahati ng mga pasyenteng isinusugod sa SPMC at DRMC ay mula rin sa iba’t ibang lalawigan sa Mindanao.
Paliwanag ni Atty. Gay Alvor, chairperson ng Gender and Development Focal Point System(GAD-FPS), na sa Mindanao napiling i-pilot ang Mapagkalinga Center Project dahil ang naturang rehiyon ang maituturing na ‘least serviced area’ ng hospitalization assistance program ng ahensiya.
- Latest