PAO sa measles outbreak: Hindi kami ang may kasalanan
MANILA, Philippines — Itinanggi ni Public Attorney's Office chief Persida Rueda-Acosta na kasalanan niya ang measles outbreak na itinuturo ng mga Health officials sa takot na nilikha ng pagkakaso niya kaugnay ng Dengvaxia.
Sa pagkakataong ito, itinuro naman ni Acosta ang Department of Health para sa diumano'y kabiguan nilang ikampanya ang measles immunization.
“How can we be responsible for the measles problem today? It is the mandate of the DOH to campaign for proven immunization. We’re not against any tested vaccination. Our only concern here is Dengvaxia,” sabi ni Acosta sa PAO National Convention sa Manila Hotel.
(Paano kami magiging responsable para sa problema sa tigdas ngayon? Mandato ng DOH na ikampanya yung mga napatunayan nang bakuna. Hindi kami tutol sa mabisang vaccination. Ang problema lang namin ay Dengvaxia.)
Ito ang naging tugon ni Acosta sa mga ulat na lumikha ng vaccine scare ang PAO, dahilan para 'di kumuha ng mga bakuna ang publiko.
Sinabi ng ilang doktor napababa ni Acosta ang tiwala ng taumbayan sa mga bakuna dahil sa mga 'di pa napatutunayang salaysalay tungkol sa Dengvaxia.
Mula sa dating 93 porsyento noong 2015, bumulusok daw ang vaccine confidence patungo sa 32 noong 2018.
Ayon naman kay DOH Undersecretary Eric Domingo, bagama't may kinalaman ang Dengvaxia sa pagbaba ng immunization rate, may mga iba pa raw na mga factors kung bakit bumagsak ang mga numero.
Umapela naman si Health Secretary Francisco Duque III na ipaghiwalay ang isyu ng Dengvaxia sa gamot sa tigdas.
Dati nang sinabi ni Duque na humingi sila ng tulong noon sa PAO kaugnay ng Dengvaxia controversy ngunit tumagi raw ito.
Giit ni Acosta, 'di tamanang isisi ito sa PAO dahil hindi naman trabao ng kanilang tanggapan ang pag-eendoso at pagbibigay ng gamot.
“We did not cause that. We are not the ones who administered the mass vaccination,” sabi ng abogada.
(Hindi kami ang may gawa niyan. Hindi kami ang nagbibigay ng malakihang pagpapabakuna.)
“Those getting measles now should have been vaccinated in 2015, 2016 or 2017. Why wasn’t there a better campaign by the DOH for it and why didn’t they go house-to-house?"
(Yung mga nakakuha ng tigas dapat nabakunahan na noong 201, 2016, o 2017 pa lang. Bakit hindi mas maayos ang kampanya ng DOH para rito at bakit hindi sila nagbahay-bahay?)
Nanindigan si Acosta na walang kinalaman ang tigdas sa pagkakaso niya sa mga diumano'y namatay sa tukok ng Dengvaxia.
“We did not create the scare. It was Sanofi who organized a press conference on Nov. 29, 2017, saying that Dengvaxia cannot be administered to those without history of the disease. The vaccine was already given. So did PAO create the scare?”
(Hindi kami ang lumikha ng takot. Sanofi ang nag-organisa ng press conference noong ika-29 ng Nobyembre 2017 nang aminin nilang hindi pwedeng ibigay ang Dengvaxia sa mga hindi pa nakakukuha ng dengue. Ibinigay na ang bakuna. So sino ang tinakot ng PAO?)
Dagdag ng PAO chief, hindi sila naglunsad ng kampanya laban sa measles immunization.
DOJ kinampihan si Acosta
Sinang-ayunan naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra si Acosta at sinabing hindi siya ang dapat sisihin ukol dito.
Nanindigan si Guevara na ginagawa lang ng PAO ang kanilang trabaho. Inatasan daw kasi sila ng departamento na maglunsad ng fact-finding investigation at asikasuhin ang mga kaso sa Dengvaxia controversy.
“PAO chief Acosta is just doing her job and certainly does not intend to scare the public about the possible negative effects of vaccination in general,” wika ni Guevarra sa text.
(Ginagawa lang ni PAO chief Acosta ang tungkulin niya at 'di niya layong takutin ang publiko sa posibleng masamang epekto ng bakuna sa pangkalahatan.)
Pagbabahagi niya, masosolusyunan ito ng mas agresibong information drive tungkol sa mga bakuna.
Siniguro naman ni Guevarra na malapit nang maresolba ang mga kasong isinampa kakabit ng unang batch ng Dengvaxia cases na inihain sa DOJ.
“I have directed the Dengvaxia investigating panel to resolve the cases this month,” wika ni Guevarra.
(Inutusan ko na ang Dengvaxia investigating panel na resolbahin ang mga kaso ngayong buwan.)
- Latest