Election period nagsimula na - Comelec
MANILA, Philippines — Opisyal nang nagsimula ang election season, apat na buwan bago ang midterm polls.
Alas-12 kahapon ng hatinggabi nang ipatupad ng Commission on Elections (Comelec) ang gun ban kasabay ng paglalagay ng mga checkpoint sa iba’t ibang panig ng bansa katuwang ang PNP.
Dinaluhan nina Comelec Chairman Sheriff Abas at Spokesman James Jimenez ang kick-off ceremony sa Camp Karingal, Quezon City kasabay ng nationwide checkpoint operations ng PNP.
Muling inabisuhan nina Abas at Jimenez ang mga motorista na hindi sila obligadong bumaba sa kanilang sasakyan o magbukas ng compartment dahil sapat na ang pagsilip ng mga pulis sa mga sasakyan nang walang physical contact.
Ayon naman kay PNP spokesman Chief Supt. Benigno Durana, magkakaroon lang ng physical inspection ‘pag nadiskubre na ng mga pulis na mayroong kontrabando sa kanilang sasakyan.
Nagbabala naman ang opisyal na ang mga motorista na makukunan ng explosives, firearms, bladed weapons at iligal na droga sa checkpoints ay aarestuhin.
Pinaalalahanan ni Durana ang kapulisan na dapat gawin ang checkpoints sa mga maliliwanag na lugar at komunidad habang nakauniporme sila ng pulis, bukod dito dapat din magkaron ng proper markings sa mga lansangan at nakalagay din ang pangalan at contact details ng election officers sa kanilang area para malaman ng publiko.
Sakaling mayroong mga problema tungkol sa checkpoint operations ay maaaring tawagan ang national emergency hotline number na 911 o magreklamo sa official facebook account ng PNP.
Samantala, mino-monitor na ng Comelec at PNP ang 18 election hot spots dahil sa mga naitalang karahasan at presensya ng private armed groups.
- Latest