4 pina-contempt ni Gordon
MANILA, Philippines – Pinatawan ng contempt ni Senate Blue Ribbon committee chairman Sen. Richard Gordon ang apat na personalidad na una nang ipinatawag sa mga pagdinig ngunit hindi sumisipot.
Kabilang sa pinapatawag ni Gordon sina dating P/Sr. Supt. Eduardo Acierto, dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director Ismael Fajardo, SMYD trading owner Marina Signapan at Emily Loquingan.
Ayon kay Gordon, pina-contempt niya ang apat para mapuwersang dumalo sa susunod na hearing matapos hindi humarap kahapon sa pagpapatuloy ng pagdinig ng P11 bilyong halaga ng shabu na sinasabing nakalusot sa Bureau of Customs.
Una rito, kinilala ng PDEA ang SMYD Trading na consignee ng apat na magnetic lifters na sinasabing ginamit para paglagyan ng shabu.
Ikinairita ni Gordon ang patuloy na pang-iisnab nina Acierto at Fajardo sa pagdinig gayong nakunan sila ng larawan na dumadalo sa isang party.
Nais ni Gordon na ikulong na ang apat kapag hindi pa nagpakita sa pagdinig ng Senado sa Disyembre 4.
“There will be a contempt order. It means if they don’t show up, we will order the arrest,” sabi ni Gordon.
Matatandaan na sinabi ni dating Customs Intelligence officer Jimmy Guban na si Acierto umano ang responsable sa P11 bilyong halaga ng shabu.
- Latest