Trillanes ‘di na ok mag-negotiate sa WPS
MANILA, Philippines — Iginiit kahapon ni Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano na kung si Sen. Antonio Trillanes IV ang magiging negosyador ulit sa planong “Joint Exploration and Development” sa West Philippine Sea ay talagang madedehado ang sambayanan.
Ito ang pahayag ni Sec. Cayetano sa Facebook page nito kaugnay sa planong joint exploration ng Pilipinas at China sa WPS.
Ayon kay Cayetano, noong pinagkatiwalaan ni dating Pangulong Aquino si Sen. Trillanes bilang negosyador, nagresulta ito ng pagkawala ng kontrol ng Pilipinas sa Scarborough Shoal o Panatag Shoal.
Sinabi ni Trillanes sa isang interbyu sa telebisyon na patuloy na mangingibabaw ang China sa pinaplanong “Joint Exploration at Development” project sa West Philippine Sea dahil umano walang kapasidad lalo na sa teknolohiya ang mga Pilipino na makilahok sa naturang proyekto.
Pero tiniyak ni Cayetano sa taumbayan na hindi papayag si Pangulong Duterte sa anumang kasunduang hindi patas at hindi pabor sa sambayanang Pilipino.
Aniya, malinaw ang utos ni Pangulong Duterte na protektahan at pangalagaan ang bawat sulok ng teritoryo ng bansa at mapakinabangan ng bawat Pilipino ang ating “sovereign economic rights.”
“Habang patuloy ang iyong pagsisinungaling, at pananabotahe sa kinabukasan ng mga susunod na henerasyon, patuloy naman kaming magsasabi ng katotohanan at magtatrabaho para magkaroon ng magandang kinabukasan ang mga Pilipino,” hirit ni Cayetano sa pahayag niya sa kanyang social media account patungkol kay Trillanes.
Magugunitang sinabi mismo ni Pangulong Duterte na kahit magkaroon ng joint exploration ang bansa sa China ay hindi magbabago ang paninindigan nito na hindi isusuko ang anumang teritoryo ng bansa.
Sa nakatakdang joint exploration ay magiging 60-40 ang hatian sa pagitan ng Pilipinas at China.
Posibleng madagdagan ang nasabing joint exploration sa pagbisita ni Chinese President Xi Jinping sa bansa sa huling bahagi ng taong ito o sa November matapos dumalo ang Chinese leader sa APEC Summit na gaganapin sa Papua New Guinea.
- Latest