Maternity notification pwede na sa Text-SSS
MANILA, Philippines — Maaari na ngayong magpadala ng kanilang maternity notification ang voluntary at self-employed na babaeng miyembro sa pamamagitan ng Text-SSS.
Sinabi ni SSS President and Chief Executive Officer Emmanuel F. Dooc, sa pamamagitan ng Text-SSS maternity notification, hindi mo na kailangang magpunta sa SSS para magsumite ng katibayan ng pagbubuntis. Ipapasa lamang ang katibayan ng pagbubuntis kasabay ng aplikasyon ng maternity reimbursement sa SSS.
Ang pagpasa ng maternity notification sa pamamagitan ng text message ay dapat nasa ganitong format-- SSS MATERNITYNOTIF <SSNumber> <PIN> <Expected Delivery Date MM/DD/YYYY> <Total Number of Pregnancies (kasama ang kasalukuyang pagbubuntis)> at ipadala sa 2600.
Sa bawat maternity notification, magbabayad ang miyembro ng P2.50 kung siya ay Globe/Touch Mobile at Smart subscriber at P2.00 kung siya ay Sun Cellular subscriber. Makakatanggap siya ng text kapag naipadala na sa SSS ang maternity notification.
Bukod sa Text-SSS, maaari ring ipadala ng mga miyembro ang kanilang maternity notification sa pamamagitan ng kanilang online account sa My.SSS. Kailangang ilagay ng miyembro ang petsa kung kailan siya manganganak, bilang ng panganganak at petsa ng huling panganganak.
Subalit, binigyang-diin ng SSS na ang maternity notification sa pamamagitan ng Text-SSS at online facility ay pwede lamang sa mga self-employed at voluntary members habang ang mga employed members ay kinakailangan pa ring magsabi sa kanilang employers at ang employers ang magsasabi sa SSS.
- Latest