Kasinungalingan ni Napoles ang ebidensya ng Duterte admin – De Lima
MANILA, Philippines – Dismayado si Sen. Leila de Lima sa pagpasok sa witness protection program ng tinaguriang pork barrel scam mastermind Janet Lim-Napoles lalo na’t siya ang nanguna sa pagpapakulong nito.
Sinabi ni de Lima, na nanungkulan bilang kalihim ng Department of Justice sa nakaraang administrasyon, na malakas ang ebidensya laban kay Napoles kaya naman hindi siya maaaring gawing testigo ng kasalukuyang gobyerno.
“We already put Napoles in jail. She should rot in there for the rest of her life,” pahayag ng senadora na nakakulong ngayon sa Philippine National Police Custodial Center sa lungsod ng Quezon.
Binatikos din niya ang paggamit ng gobyerno kay Napoles upang mapakulong ang mga kumakalaban sa kanila.
“Now Aguirre wants the Sandiganbayan to bow to Malacañang’s wish and throw away all the evidence against Napoles and turn her over to the DOJ. They’re helping her attain freedom so they can use her for their own malevolent agenda,” sabi ni de Lima.
Iginiit ni de Lima na naging patas sila sa pagsasampa ng kaso sa mga sangkot sa pork barrel scam at patunay dito ang paghahabla kahit sa mga kaalyado ni noo’y Pangulong Benigno Aquino III.
Ilan sa mga ito ay sina dating Customs commissioner Ruffy Biazon at TESDA chair at ngayo’y Senador Joel Villanueva.
“And they still call it selective justice, just because those who they wanted to be destroyed were not included. We did not charge others in the so-called Napoles list because there was then no evidence against them.
Ikinumpara rin ng senadora ang diskarte ng nakaraang administrasyon sa kasalukuyan.
“There was only one standard then under the PNoy Administration: Dapat may ebidensiya. Hindi pwedeng gawing ebidensiya ang mga sabi-sabi lang ni Napoles na isang polluted source at walang kredibilidad,” paliwanag ni de Lima.
“There is only one standard now under the Duterte Administration: Ang mga kasinungalingan ni Napoles ang ating ebidensiya,” dagdag niya.
Siya aniya ang isa sa mga patunay nito matapos siyang ipakulong dahil sa umano’y pakikipagsabwatan sa drug lords ng bilibid.
“Katulad ng kaso sa akin na puro laway lamang ng mga kriminal na testigo ang ebidensiya laban sa akin, puro laway din lang ni Napoles ang ebidensiya ng DOJ sa mga kalaban ng Malacañang.”
- Latest