Trillanes pinaiimbestigahan ang AMLC
MANILA, Philippines – Nanawagan si Sen. Antonio Trillanes IV ngayong Biyernes sa Senado na imbestigahan ang pagtanggi ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na makipagtulungan sa imbestigasyon sa umano’y tagong yaman ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nais malaman ni Trillanes kung bakit hindi ibinigay ng AMLC ang mga kinakailangan ng fact-finding probe ng Office of the Ombudsman sa imbestigasyon nila kay Duterte.
“I am calling on the Senate Committee on Banks to conduct an inquiry so we could summon the AMLC and question the legality of its refusal to comply with the Ombudsman's request,” pahayag ng senador.
BASAHIN: AMLC sinisi sa pagsasara ng imbestigasyon sa yaman ni Digong
Nagpaliwanag kahapon ang Ombudsman kung bakit nila ibinasura ng reklamo ni Trillanes kay Duterte na silipin ang umano’y nasa P2 bilyon tagong-yaman ng mga Duterte.
Sinabi ng Ombudsman na tumanggi ang AMLC na ibigay ang kanilang hininging “vital data.”
“Based on the statement of the Ombudsman, the only reason why the investigation against Duterte was closed, without prejudice to reopening in the future, is the refusal of AMLC to submit vital data, specifically, the detailed bank transactions of Duterte,” dagdag ng senador.
Inihayag ni Solicitor General Jose Calida nitong kamakalawa na ibinasura na nga ng Ombudsman ang reklamo ni Trillanes dahil na rin sa aniya’y basurang ebidensya ng senador.
BASAHIN: Imbestigasyon sa umano’y tagong yaman ni Digong maaari pang buksan – report
Nitong nakaraang taon ay inihayag ni Overall Deputy Ombudsman Arthur Carandang na sinimulan na nila ang imbestigasyon sa umano’y tagong yaman ng mga Duterte.
Pinagbasehan anila ang nakuha nilang bank transactions ni Duterte mula sa AMLC, ngunit kalaunan ay itinaggi ito ng ahensya.
Dahil dito ay pinasususpinde ng Palasyo si Carandang ng 90-araw dahil sa paglalabas umano ng maling impormasyon laban sa pangulo.
Pinagdudahan naman lalo ni Trillanes ang AMLC lalo na’t si Duterte ang nagtalaga sa pinuno nito.
BASAHIN: Trillanes pinaalala ang hamon kay Digong na lagdaan ang waiver
“Let us remember that the Exec. Director of AMLC was appointed by Duterte and has since been proactively protecting his political master,” sabi ni Trillanes.
“Ultimately, the truth about this very important issue is stored in the data storage of AMLC and BPI,” dagdag ng senador.
- Latest