NDF consultant palayain - solon
MANILA, Philippines — Nanawagan si Anakpawis Rep. Ariel Casilao sa pamahalaan na palayain na si National Democratic Front of the Philippines (NDFP) Consultant Rafael Baylosis.
Sinabi ni Casilao na hindi naman masosolusyunan ang problema at ugat ng rebelyon sa bansa kung pagtugis sa mga NDFP consultants lamang ang gagawin ng pamahalaan.
Idinagdag ni Casilao na ang pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at NDFP ang magiging daan para tuluyang masawata ang ilang dekada nang pakikibaka laban sa pamahalaan.
Iminungkahi rin niya na ituloy ang naudlot na kasunduan na Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (CASER) na siyang itinuturing na pinakasentro ng usapin dahil ito ay tumatalakay sa land reform at national industrialization. Aniya dapat palayain si Baylosis dahil hindi lamang ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantee (JASIG) ang nilalabag ng gobyerno kundi maging ang pagbibigay ng due process sa nasabing NDF consultant.
Samantala, kinondena ng Makabayan bloc solons na dumalaw kay Baylosis kahapon sa detention nito sa Camp Crame ang pag-aresto dito na sinabi nitong illegal.
- Latest