‘Impeach Bautista’ tuloy
MANILA, Philippines — Matapos na magbitiw sa puwesto, tuluyan nang na-impeach ng Kamara si Comelec Chairman Andres Bautista.
Sa kabuuang 237 na present na kongresista, 137 sa kanila ang bumoto ng No para sa pagbaliktad sa committee report na nagbabasura sa impeachment complaint, 75 ang nag-Yes sa pagbasura ng reklamo at 2 ang nag-abstain.
Ang impeachment complaint laban kay Bautista ay inihain nina Atty. Ferdinand Topacio at dating Nueva Ecija Rep. Jing Paras base sa alegasyon ng asawa ni Bautista na si Patricia.
Matatandaan na sa botong 26-2 ay ibinasura ng komite ang impeachment complaint laban kay Bautista noong mga nakaraang linggo dahil “insufficient in form” bunsod sa umano’y mali ang ginamit na verification form sa reklamo.
Si Bautista ay inireklamo ng betrayal of public trust, culpable violation of the constitution kaugnay sa hindi tamang pagdedeklara ng SALN, Comeleak at pagtanggap umano ng komisyon mula sa Divina Law.
Dahil dito kaya inatasan ng Kamara ang komite na maghanda ng Articles of Impeachment para maipasa sa Senado na siyang magsisilbing impeachment court para sa paglilitis kay Bautista.
Samantala, tiniyak naman ni Senate Majority Floor Leader Tito Sotto na aaksiyunan ng Senado ang impeachment complaint laban kay Bautista kahit pa nagbitiw na ito sa puwesto.
Ayon kay Sotto, hindi pa naman tuluyang bumababa sa posisyon si Bautista dahil sa katapusan pa ng taon ito aalis bilang chairman ng Comelec kaya walang magagawa ang Senado kundi aktuhan ang impeachment complaint.
Ang Senado ang tatayong impeachment court at didinig ng mga reklamo laban kay Bautista sa sandaling matanggap ang Articles of Impeachment.
- Latest