Comelec Chair Bautista nag-resign
MANILA, Philippines — Nagbitiw na bilang Commission on Elections (Comelec) Chairman si Andres “Andy” Bautista.
Sinabi ni Bautista na ang kanyang personal na problema ay nakakaapekto sa kanyang trabaho kaya’t naisipan na niyang mag-resign.
Kinumpirma rin ni Bautista na nagpadala na ito ng resignation letter kay Pangulong Duterte pero hindi pa niya personal na nakakausap ang Presidente kaugnay ng naturang isyu.
“It is with deep sadness that I am informing you about my decision to resign as the Chair of the Commission on Elections by the end of the year,” nakasaad sa resignation letter ni Bautista.
Aniya, kahit epektibo pa sa Disyembre 31 ang kanyang pagbaba sa puwesto ay kinakailangan na niyang isumite ang kanyang resignation letter para magkaroon ng smooth transition dahil kailangan pa ng Pangulo na mamili ng papalit sa kanya sa puwesto.
Bukas naman umano si Bautista na makausap ang Pangulong Duterte kaugnay ng pagbibitiw nito sa puwesto.
Buo rin ang paniwala ng Comelec chair na nagampanan niya ng maayos ang kanyang trabaho sa komisyon dahil sa tulong ng kanyang mga kasamahan.
Kasabay nito nagpasalamat si Bautista sa mga empleyado ng Comelec dahil sa ipinakita nilang suporta at pagmamahal sa kanya.
Sa kinakaharap naman na mga kontrobersiya ay nakahanda raw ang Comelec chair na harapin ang mga ito sa tamang lugar.
Nirerespeto naman ng Malacañang ang naging desisyon ni Bautista.
“We respect the decision of Chairman Andy Bautista. We wish him well,” sabi ni Presidential Communications Sec. Martin Andanar.
- Latest