EJK ipabubusisi ng Speaker sa House
MANILA, Philippines — Nais ni House of Representatives Speaker Pantaleon Alvarez na paimbestigahan na sa Kamara ang mga kaso ng extra judicial killings sa bansa lalo na sa mga menor-de-edad.
Ayon kay Alvarez, kailangang malaman ng kongreso kung ang mga pagpatay lalo na ang mga menor de edad ay bahagi ng pananabotahe sa administrasyong Duterte.
Giit pa ng Speaker, baka ang mga ganitong pagpatay ay kagagawan ng mga drug lords o mga pulitiko na nais na sulsulan ang publiko para magalit sa pamahalaan at mag-aklas.
Iniimbestigahan na rin ng Philippine National Police ang umano’y pananabotahe sa drug campaign ng pamahalaan kabilang ang mga sindikato ng droga at mga kalaban ng administrasyon.
Sinabi ni P/Deputy Director General Fernando Mendez Jr., Deputy Chief for Operations ng PNP, na ang hakbang ay base sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na mayroon umanong mga nagtatangkang manabotahe sa tumitindi at mas pinaigting na giyera kontra droga ng kaniyang administrasyon.
Ayon sa opisyal, eto ay matapos ang sunud-sunod na pagkakapatay sa mga menor de edad na mga kabataan na may kinalaman umano sa illegal na droga at iilang mga pulis na umano’y umaabuso sa kanilang mga operasyon.
- Latest