Pacman bumisita sa Marawi
MANILA, Philippines - Upang maipakita ang suporta sa mga sundalong lumalaban sa Maute group, binisita kahapon ni Senator Manny Pacquiao ang Camp Ranao, Marawi City.
“Huwag susuko, tatlong rounds na lang ang laban,” pahayag ni Pacquiao na nakasuot ng combat fatigue at lulan ng private helicopter na bumisita sa war zone.
Si Pacquiao ay isang Army reservist na may ranggong Lt. Col. at unang senador na bumisita sa mga lumalabang sundalo sa Marawi.
Sinabi ni Pacquiao na sinasaluduhan niya ang katapangan ng mga sundalo at bumisita siya upang ipakita sa kanila ang suporta ng lehislatura.
Hindi rin umano natatakot ang senador sa gitna ng naririnig na mga putukan dahil lumaki siya at nasanay sa lugar ng mayroon ding kaguluhan sa Sarangani.
Napabilib din ng senador ang mga sundalo sa sinabi nito na handa siyang sumama sa laban at makipagbakbakan sa mga terorista kung kinakailangan ang kaniyang tulong.
“Gusto kong sumama sa inyo sa labanan, gusto nyo ba yun,” pahayag ni Manny sa AFP troops.
Nang sumigaw ang sundalo na samahan sila sa bakbakan, biglang kumambyo ang senador at nagsabi na “huwag na lang at hindi na nila mapapanood ang isang Pacquiao na lumalaban sa ibabaw ng ring.”
Hinihikayat ni Pacquiao ang mga sundalo na huwag sumuko sa laban kagaya sa kaniyang boxing career.
Inihambing pa nito sa larong boksing ang bakbakan na mas bibilisan ang pagtalo sa kalaban kapag alam nang humihina ito.
“Huwag kayong sumurender dahil kumbaga sa boxing, nasa last 3 rounds na lang tayo ngayon at malapit ng matapos,” giit pa ng pambansang kamao.
Sinabi rin ni Pacman na nalulungkot siya sa tuwing makakarinig ng mga balita na may mga sundalo at pulis na namamatay sa labanan.
Sinabi naman ni AFP Western Mindanao Command Chief Lt. Gen. Carlito Galvez na malaking bagay ang pagbisita ni Pacman para higit pang maging inspirado ang tropa ng militar na sa tuwina’y nakasubaybay sa boxing career ng kanilang idolo.
- Latest