Death toll sa droga: 1,916 na - Bato
137 naidagdag sa loob ng 24-oras
MANILA, Philippines – Nadagdagan pa kahapon ang bilang ng mga namatay dahil sa ilegal na droga matapos ihayag ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa sa pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs na sa kabuuan, umaabot na sa 1,916 ang kanilang naitala.
Sa pagtatanong ni Senate President Pro-Tempore Franklin Drilon, napuna nito na noong unang araw ng pagdinig (Lunes), sinabi ni dela Rosa na 1,779 na ang kabuuang bilang ng mga namatay dahil sa ilegal drugs simula noong Hulyo 1, pero sa presentasyon kahapon ay tumaas ito sa 1,916, may 1,160 dito ang summary executions.
“Sa kabuuan po, 1,779 ang namatay kahapon, ngayon po 1,916. Ang ibig po bang sabihin sa nakalipas na 24 hours, 137 ang namatay,” kuwestiyon ni Drilon.
Ipinaliwanag ni dela Rosa na hindi naman nangangahulugan na sa loob ng 24 oras ay may nadagdag kaagad na 137 at tumaas lamang ito dahil nagsagawa sila ng update.
Sa pagtaya ni Drilon, umaabot sa 36 ang bilang (average) ng mga namamatay dahil sa droga kada-araw base sa nasabing bilang ng PNP.
Samantala, iniharap kahapon sa pagdinig sina P02 Alipino Balo Jr., at P01 Michael Tomas ng Pasay Police Station na nakasuhan na ng murder dahil sa pagpatay sa mag-amang sina Jaypee Bertes at Renato Bertes na sinasabing sangkot sa ilegal na droga.
- Latest