Ngayon na! Digong iluluklok na ika-16 Pangulo ng Pilipinas
MANILA, Philippines – Pormal nang manunumpa ngayong araw sa Malacañang Palace si President-elect Rodrigo Duterte bilang ika-16 Pangulo ng Pilipinas.
Ayon kay incoming Presidential Communications Sec. Martin Andanar, magiging simple subalit makasaysayan ang inagurasyon na isasagawa ng alas-12 ng tanghali ngayong Hunyo 30 sa Rizal Hall sa Malacañang na sasaksihan ng may 627 bisita kabilang na ang miyembro ng pamilya ng bagong Pangulo, Senator Bongbong Marcos at ng Diplomatic Corps.
Manunumpa si Pres. Rody sa kanyang fraternity brother sa Lex Tallionis fraternity na si Supreme Court Associate Justice Bienvenido Reyes. Siya ay inaasahang nakasuot ngayon ng Barong Tagalog dahil pormal ang okasyon at aniya’y historical.
Una nang sinabi ni Ambassador Marciano Paynor, magkakaroon lamang ng departure honors para kay outgoing Pres. Benigno Aquino III pero hindi na siya magbibigay ng “farewell speech” bago manumpa bilang ika-16 na pangulo ng bansa si Duterte. Aniya, sasalubungin ni PNoy si Duterte sa presidential hall ng Malacañang bago ang pormal na panunumpa.
Pagkatapos ng inagurasyon, makkipagpulong si Pres. Rody sa Diplomatic Corps at pangangasiwaan nito ang mass oath-taking ng mga itinalaga niyang Gabinete na susundan ng kauna-unahang pagpupulong sa Palasyo.
Si Pres. Rody, 71, anyos, naging alkalde ng Davao City ang nagwagi sa May 9 presidential elections kung saan ay nakakuha ito ng 16.6 milyong boto at ang kauna-unahang magiging pangulo ng bansa mula sa Mindanao na sumasakay lamang sa tricycle at kumportable na kumain sa turo-turo. Siya ang kauna-unahang nanalong pangulo ng bansa na hindi dumalo sa kanyang proklamasyon sa Kongreso.
Tinalo ni Duterte ang pambato ng Liberal Party (LP) na si Mar Roxas gayundin si Sen. Grace Poe at Vice-President Jejomar Binay ng United Nationalist Alliance (UNA).
Naging alumpihit pa noong una si Duterte na tumakbo bilang pangulo kaya hindi agad siya nagsumite ng kanyang certificate of candidacy (COC) sa Commission on Elections (Comelec) pero nagdesisyon siyang tumakbo sa mismong deadline ng pagsusumite ng kanyang kandidatura dahil na rin sa mga panawagan ng mga supporters nito mula sa Maynila at Cebu. Nagpakalbo rin ang kanyang anak na si Sarah Duterte na uupong bagong Davao City Mayor upang ipakita ang kahilingan sa ama na tumakbo sa pagka-pangulo sa natapos na halalan.
“If I could go back in time, I would decide not to run for president. While campaigning, I saw the crowd. They become wild, not just with applause. They shouted, tumakbo ka na kasi, hirap na kami,” ani Duterte sa kanyang huling mensahe niya bilang alkalde sa flag raising ceremony sa Davao City kamakailan.
Si Duterte ang ikaapat na pangulo ng bansa na isasagawa ang kanyang oath-taking at inauguration sa Malacañang. Siya ang unang nanumpa sa Palasyo partikular sa Council of State room ng Executive Building ay si President Elpidio Quirino noong Abril 17, 1948 at ang pangalawa naman ay si President Carlos P. Garcia noong Marso 23, 1957 habang ikatlo si President Ferdinand Marcos Sr. noong 1986.
- Latest