Digong nangunguna sa bilangan
MANILA, Philippines - Nanguna si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa partial/unofficial result ng transparency server ng Commission on Elections (Comelec) sa presidential race.
Sa 8:30pm partial/unofficial count ay nakakuha si Duterte ng 11,084,850 boto kasunod si Sen. Grace Poe, 6,303,528. Pangatlo si Mar Roxas na may 6,177,430; Vice President Jojo Binay 3,755,745 at Miriam Defensor Santiago na may botong 1,150,924.
Dikit naman sa pagkabise presidente sina Sen. Bongbong Marcos na may botong 10,246,912 at Rep. Leni Robredo, 9,307,166. Kasunod nila si Sen. Alan Peter Cayetano, 3,889,525; Sen. Chiz Escudero, 3,278,147; Sen. Antonio Trillanes 552,266 at Sen. Gringo Honasan 481,102.
Samantala, pagkakaisa mula sa mga nakatunggali sa presidential race ang unang magiging panawagan ni Duterte.
Sinabi ni Mayor Duterte sa panayam kagabi, anuman ang magiging resulta ng eleksyon ay dapat tanggapin ng bawat Filipino.
Aniya, “ipinagdarasal ko lang na maging malinis at walang dayaan ang resulta ng eleksyon upang matanggap ng lahat.
“Kung mananalo man ako ay nasisiguro kong walang halong daya ito dahil hindi ko papayagan na manalo sa pamamagitan ng pandaraya,” wika pa ni Duterte.
Kabilang umano sa sasalain niyang mabuti na magiging miyembro ng kanyang gabinete ay angfinance, department of transportation and communications at department of national defense.
Samantala, maagang bumoto sa kani-kanilang mga polling precinct ang mga presidential candidate na sina Vice President Jejomar Binay, Mar Roxas at Miriam Defensor Santiago habang tanghali naman sina Senator Grace Poe at hapon si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Limang minuto bago magbukas ang kaniyang presinto, nasa San Antonio National High School na sa Mayapis St., Makati City si Binay. Sa Precinct 189 bomoto si Binay kasama ang anak na si dating Makati Mayor Junjun Binay.
Alas-7:00 naman ng umaga kahapon nang bomoto na rin sa kaniyang presinto sa clubhouse ng La Vista Subdivision sa Quezon City si Sen. Miriam Santiago. Isa rin sa mga maagang bumoto si Commission on Elections Chairman Andres Bautista sa Barangay Mariana, Quezon City.
Sa Precinct 722-A sa Legazpi Street, Poblacion 5, Roxas City, Capiz alas-8:30 kahapon ng umaga bumoto si Liberal Party standard bearer Mar Roxas kasama ang misis na si Korina Sanchez.
Alas-11:30 naman ng tanghali bumoto si Sen. Grace Poe sa Sta. Lucia Elementary School sa San Juan City. Bago bumoto, dumaan muna ang presidential candidate na si Poe sa puntod ng kaniyang amang si Fernando Poe Jr. Nauna nang bumoto ang ina ng senadora na si Susan Roces at ang kaniyang mag-amang si Neil Llamanzares at Bryan Llamanzares.
Pinagkaguluhan naman si Duterte nang dumating sa Daniel R. Aguinaldo National High School sa Davao City alas-3:00 ng hapon. Matagal bago nakapasok ng Precinct 416 si Duterte matapos na harangin ng mga supporters na hindi magkamayaw sa pagdating nito.
Samantala, eksaktong alas-6:00 ng umaga, nakapila na sa kaniyang presinto sa Marikina si Sen. Gregorio Honasan. Sabay naman na bumoto ang magkabiyak na Heart Evangelista at Sen. Francis Escudero sa Sorsogon.
Sa kanyang hometown sa Batac, Ilocos Norte bumoto si Vice Presidential candidate at Sen. Bongbong Marcos. Sabay naman bumoto alas-7:00 ng umaga si vice presidential candidate Sen. Alan Peter Cayetano at maybahay na si Taguig Mayor Lanie Cayetano.
Bahagya namang naantala ang pagboto ni Rep. Leni Robredo sa Naga City matapos magkaaberya ang Vote Counting Machine (VCM) sa kaniyang presinto.
- Latest