Suportado si Binay, PMP standard bearer umatras
MANILA, Philippines – Iniatras ni Pwersa ng Masang Pilipino (PMP) presidential candidate Rommel "Mel" Mendoza ang kaniyang kandidatura upang suportahan ang karera ni Bise Presidente Jejomar Binay.
Isa si Mendoza sa mga nakabilang sa initial list ng Commission on Elections (Comelec) ng presidential bets para sa darating na eleksyon at ang kaniyang partidong PMP ay pinamumunuan ni dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph Estrada na kilalang kadikit ni Binay.
Inamin naman ni Comelec Chair Juan Andres Bautista na pinagdebatihan nila sa Comelec kung dapat bang hayaan si Mendoza na makatakbo sa pagkapangulo.
“Some of us believe that (having a) political party should not be used as sole ground but (we also have to look into) the candidate’s personal qualifications. But that is the en banc’s decision – that he is a nominee of a known political party,” banggit ni Bautista.
Isang assistant project officer ang taga-Bulacan na si Mendoza.
Dahil dito nabawasan pa ang listahan ng mga tatakbong pangulo kung saan kabilang sina Binay, Sen. Miriam Defensor Santiago, Davao City Mayor Rodrigo Duterte, Sen. Grace Poe, Mar Roxas II at Rep. Roy Señeres.
Hindi naman matiyak kung sila na ang makakasama sa karera dahil may mga nakabinbing pang disqualification case laban kina Poe at Duterte sa mataas na hukuman.
Inaasahang ilalabas ng Comelec ang final list bago ang kanilang pagpapaimprenta ng balota sa Pebrero 8.
- Latest