Lumabag sa gun ban 507 na - PNP
MANILA, Philippines – Umakyat na sa mahigit 500 ang naaresto ng Philippine National Police na lumalabag sa election gun ban.
Ayon kay PNP spokesman, Chief Supt. Wilben Mayor, simula alas-8 kahapon ng umaga, umabot na sa 507 personalidad, karamihan ay sibilyan, ang naaresto dahil sa pagdadala ng baril, simula ng ipatupad ang Comelec gun ban noong January 10.
Sa nasabing bilang, 490 ang mga sibilyan, dalawa ang pulis, apat ang opisyal na pamahalaan, anim ang security guard, apat ang kawani ng isang law enforcement agency, at dalawa ang miyembro ng Civilian Armed Forces Geographical Unit (Cafgu).
Sabi pa ni Mayor, nakakumpiska ang PNP ng 304 mga armas, 3,028 deadly weapons, 14 granada, pitong explosives, 12 replika ng baril at 2,995 mga bala.
Ang gun ban ay ipinapatupad ng PNP at iba pang law enforcement agencies alinsunod sa magaganap na national at local elections sa May 9 sa bansa. Magtatapos ito hanggang sa June 8.
Tiniyak din ng PNP na mananatiling vigilante ang kanilang puwersa gayundin ang security operations para matiyak na ligtas at payapa ang idaraos na halalan.
- Latest