Babae sa U.K., dalawang dekadang nagtrabaho bilang psychiatrist kahit peke ang diploma!
ISANG babae mula sa Iran ang nahatulan ng pagkakakulong matapos mapatunayang gumamit siya ng pekeng diploma upang magtrabaho bilang psychiatrist sa National Health Service (NHS) ng United Kingdom sa loob ng halos 20 taon.
Mula Iran, nag-migrate si Zholia Alemi sa New Zealand noong 1990s. Doon, sinubukan niyang mag-aral ng medisina ngunit hindi niya ito natapos.
Nang manirahan siya sa United Kingdom gumamit siya ng pekeng dokumento upang makalusot sa proseso ng accreditation para sa mga dayuhang doktor. Sa pamamagitan nito, hindi na niya kinailangan dumaan sa mahigpit na pagsusulit at agad siyang nakapasok bilang psychiatrist sa NHS.
Nabisto ang kanyang pekeng diploma noong 2018 nang gumawa siya ng pekeng last will and testament ng isang 84-anyos na pasyente upang mapasakanya ang bahay nito na nagkakahalaga ng £300,000.
Sa imbestigasyon kaugnay ng kasong ito, natuklasan ng mga awtoridad na peke rin ang mga dokumentong ginamit ni Alemi upang maging doktor.
Dito nabunyag na wala siyang sapat na kuwalipikasyon bilang psychiatrist at mahigit dalawang dekada na siyang nakapagsisilbi sa NHS gamit ang pekeng diploma.
Ayon sa imbestigasyon, daan-daang pasyente na ang natingnan ni Alemi kahit wala siyang tamang kuwalipikasyon na naglagay sa panganib sa kanilang kalusugan.
Hinatulan siya ng limang taong pagkakakulong sa kasong fraud at inutusan siyang magbayad ng mahigit £400,000. Napag-alaman naman na umabot sa higit £1.2 milyon ang kanyang kinita mula sa NHS.
Dahil dito, nagsagawa nang malawakang pagsusuri ang U.K. General Medical Council sa libu-libong lisensiya ng mga dayuhang doktor na inilabas noong 1990s upang maiwasang maulit ang ganitong insidente.
- Latest