Poe 'di na ikinagulat ang Comelec en banc decision
MANILA, Philippines - Sa kabila ng hatol ng Commission on Elections (Comelec) en banc, iginiit ni Sen. Grace Poe na isa pa rin siyang kandidato sa eleksyon 2016.
Sinabi ni Poe ngayong Miyerkules na kwalipikado siyang tumakbo bilang pangulo sa susunod na taon kahit na kinatigan ng Comelec en banc ang desisyon ng dalawa nilang division na diskwalipikahin ang senadora.
"Hindi na ako nasorpresa sa desisyon ng COMELEC en banc. Inaasahan ko na ito at hindi naman ako natitinag diyan," pahayag ng senadora.
"Isa akong Pilipino at kwalipikado ako na ialay ang aking sarili bilang Presidente ng ating bansa. Hindi kayang baguhin ng COMELEC ang bagay na iyan, o pagkaitan ang taumbayan ng kanilang karapatan na piliin ang ating susunod na pinuno," dagdag niya.
Lumabas ang ulat ng STAR ngayong araw kung saan ayon sa kanilang source ay natapos sa 5-2 ang botohan ng Comelec en banc upang ibasura ang motion for reconsideration ni Poe sa desisyon ng First Division na ibasura ang kaniyang certificate of candidacy.
Nauwi naman sa botong 5-1-1 ang botohan ng kabuuang Comelec sa desisyon ng Second Division na diskwalipikahin ang senadora.
Nauna nang sinabi ng kampo ni Poe na sa Korte Suprema na lamang sila umaasa na payagan siyang makatakbo sa pinakamataas na posisyon ng gobyerno sa 2016.
"Susundin natin ang proseso at ang susunod at huling labanan ay sa Korte Suprema. Kumpyansa ako na ang ating mga mahistrado, batay sa mga jurisprudence at precedents, ay magiging patas sa kanilang pagpapasya sa aking kaso, at sa bandang huli, pahihintulutan nila ang sambayanang Pilipino na magdesisyon kung sino ang magiging susunod na presidente," sabi ng independent candidate.
"Habang wala pang desisyon ang mataas na hukuman, ako ay nananatiling kandidato sa pagkapangulo ng sambayanang Pilipino," dagdag ni Poe.
Apat na disqualification case ang inihain sa Comelec laban kay Poe dahil sa umano'y kakulangan niya sa 10-year residency rule at ang kuwestiyonable niyang citizenship bilang isang foundling.
- Latest