Kahit foundling may karapatang mamuno ng bansa – Poe
MANILA, Philippines — Iginiit ng kampo ni Sen. Grace Poe na may karapatan siyang tumakbo sa pagkapangulo sa kabila ng kaniyang pagiging foundling.
Sinabi ni Poe na pantay-pantay lamang ang bawat tao at lahat ay mayroong karapatan na kailangang galangin ng bawat isa.
"Lahat ng tao ay isinilang na may karapatan sa mundong ito, mahirap man o mayaman. Kaya dapat ay kasali ang lahat at walang maiiwan sa buhay. Kasama dito ang karapatang pumili ng kanyang lider," pahayag ng senadora na tatakbong pangulo bilang isang independent candidate.
Mula nang magpahayag ng kaniyang pagtakbo sa 2016 ay inulan na ng reklamo si Poe dahil sa kaniyang citizenship at kakulangan sa 10-year residency upang maging kandidato sa pinakamataas na pwesto ng gobyerno.
Tinukoy ni Poe ang Universal Declaration of Human Rights kung saan nakasaad na mayroong karapatan ang isang foundling na maging kandidato.
"I have always said that abandoned children are entitled to the same rights that all people enjoy. The circumstances of their birth do not make them lesser humans," wika ni Poe.
Natagpuan lamang si Poe sa Jaro Cathedral sa Iloilo at kalaunan ay inampon ng namayapa nang si Fernando Poe Jr. at Susan Roces.
Diniskwalipika ng Commission on Elections (Comelec) 2nd Division ang certificate of candidacy ni Poe dahil sa kakulangan sa 10-year residency.
Pinagbasehan ng Comelec ang iniligay ni Poe sa kaniyang 2013 COC sa pagkasenador, kung saan inamin ng senadora na nagkamali lamang siya ng nailagay.
Inapela ng kampo ng senadora ang desisyon sa Comelec en banc at kung hindi ito mabaligtad ay iaakyat nila ito sa Korte Suprema.
- Latest